HINDI na babalik ang dating Vice President at Head ng Entertainment Department ng TV5 na si Perci M. Intalan dahil mas gusto na lang niyang maging consultant ng network.

Sa panahong namayagpag ang Kapatid Network ay si Perci ang may hawak ng Entertainment department tulad ng mga programang Talentadong Pinoy, Juicy, Paparazzi, Game n Go, Pinoy Explorer, Philippine Idol, at marami pang iba.

Pero nu’ng lisanin niya ito para magtayo ng sariling kumpanya kasama ang partner niyang si Direk Jun Robles Lana, ang IdeaFirst Company para gumawa ng mga pelikula at the same time ay makapag-direk na rin na isa sa passion niya ay unti-unting bumagsak ang entertainment sa TV5 hanggang tuluyang magsara na ang tanging napapanood na lang ay news at sports.

At ngayong nagbabalik ang entertainment ng Kapatid network ay tinanong namin na baka puwedeng siya ulit ang umupo sa entertainment department, pero tumanggi na siya.

Relasyon at Hiwalayan

Jak masaya pang sinalubong ang 2025; netizens, napansing iba ang kasama niya

“Ha ha ha give chance to others na ako, consultant lang talaga,” pakli ni PMI (tawag namin sa kanya).

Naka-chat namin si Direk Perci nitong Martes ng gabi at nabanggit nga niyang masaya siya sa muling pagbabalik ng entertainment sa TV5 sa pamamahala ng bagong presidenteng si Mr. Robert P. Galang.

“I think magugustuhan n’yo (media) siya, simple at down to earth, dating head ng Sales ng Cignal,” sabi ni PMI.

Sa tanong namin kung kumpleto na ang line-up ng entertainment shows ng TV5.

“Hindi pa, alam mo naman ang free to air, never naman saradong-sarado lahat. Laging may nababago sa plano o nadadagdag. Actually, du’n rin ako nakakatulong sa kanila kasi sanay na ako sa mga last minute changes ng TV. Pero at least marami-rami nang nasa plano,” paliwanag ng consultant ng TV5.

Ang mga game show ng APT Entertainment na Fill in The Bank at Bawal na Game Show ay line producer ang Cignal.

Ang Bangon Talentadong Pinoy na iho-host ni Ryan Agoncillo ay co-produce ng TV5 at ng IdeaFirst Company. Matatandaang si Ryan ang unang host ng Talentadong Pinoy noong 2007.

“Akala mo MMK o Magpakailanman (peg) ha ha. Kasi binago namin ang format. Mas masaya pa siya. Pero ang hirap rin gawin,”pakli ni PMI.

Sa kada season ay aabutin ng 13 episodes, pero ang pagkakaiba raw ng Bagong Talentadong Pinoy.

“Kasi ‘di ba defending champion ang format ever since? Kaya designed siya na mag tuloy tuloy lang. Mas siksik pa sa contestants now,” sabi pa.

At ang maganda sa bagong format ng BTP para sa new normal taping ay hindi na pupunta sa studio para pumila sa gitna ng init ng araw na may face mask at face shield.

Ang kuwento ni Perci, “Sa house lang lahat! Total social distancing he he. ‘Yung natutunan namin sa Gameboys (shoot at home), in-apply namin dito sa Bangon Talentadong Pinoy. Si Ryan at judges sa house lang rin. Pati sina Direk sa house rin.”

Parang ang hirap yatang i-shoot ‘yun dahil kanya-kanyang pakita ng talent sa kani-kanilang bahay.

“Soooobrang hirap actually. Pero worth it. Kasi now pwede kaming magka-contestants kahit pa sa ibang bansa.

“Ang judges namin sina John Arcilla, Janice de Belen at Joross Gamboa. Bago na ang mundo kaya bago na rin ang atake ng mga Pinoy. At yun ang ipinapakita namin sa Bangon Talentadong Pinoy,” kuwento pa.

Bukod sa wala ng gastos ang mga contestant na pamasahe dahil sa bahay na lang sila magpapakita ng kanilang talent ay kikita pa sila.

“Yes! Once pinakita ka sa show, automatic 2K. Then pag pasok ka sa Top 4 may 10K bawat isa. Then ‘yung isang winner for the week ay may 50K,” masayang sabi pa ni Perci.

Dagdag pa, “yung weekly winner pwedeng i-defend ang title for 5 weeks, so aabot siya ng 250K pag ganun.

Hirit namin na magki-click ito dahil nakakatulong sa bawa’t sasalit sa Bangon Talentadong Pinoy lalo na sa panahon ng pandemya.

“Naku sana. Sana maulit yung magic nu’ng dati. Ang hirap rin kasi ngayong sabihin kung ano gusto ng tao. Pero once thing is for sure, pinaghihirapan naming gumawa ng bago. Sabi ko nga if hindi mag work, at least hindi lang kami basta nakampante sa pag ulit ng nagawa na,” pagtatapos ni Perci.

-REGGEE BONOAN