Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang napaulat na pagkamatay ng dalawang Pilipino sa nangyaring dalawang pagsabog sa isang warehouse sa Beirut, Lebanon nitong Martes.
Sa ulat na natanggap ng DFA mula sa Embahada ng Pilipinas, umabot sa mahigit 100 katao ang namatay at 4000 ang nasugatan sa insidente.
Ayon sa DFA, kabilang ang dalawang Pinoy sa mga namatay habang walo ang nasugatan at 11 pang kababayan ang nawawala.
Ayon sa pahayag ni Lebanese Prime Minister Haswsan Diab, sumabog ang 2,750 toneladang ammonium nitrate na nakumpiska may ilang taon na ang nakalipas, sa isang bodega malapit sa shopping at nightlife districts ng Beirut.
Nagdulot naman ang ikalawang pagsabog ng malaking bolang apoy na sinundan ng tila buhawing shockwave na pumatawag sa pantalan at ikinasira pa ng mga bintana ng mga bahay kahit ilang kilometro ang layo.
Sa ngayon puspusan ang pakikipag-ugnayan ng Embahada ng Pilipinas sa Filipino Community sa Lebanon para alamin ang mga kababayang apektado ng pagsabog at makapagpaabot ng kaukulang ayuda.
Sa datos ng DFA, nasa 33,000 Pinoy ang nakabase sa Lebanon, karamihan ay naninirahan at nagtatrabaho sa Beirut.
-BELLA GAMOTEA