NA-INTERVIEW ni Nelson Canlas si Michael V sa 24 Oras Weekend last Saturday (August 1), kung saan, masayang ibinalita ni Bitoy na bumubuti na ang lagay niya. Maniniwala ka sa ibinalita ni Bitoy dahil nakakatawa na uli siya na wala sa last interview niya nang i-announce na nang-COVID-19 positive siya.
“May pang-amoy na uli ako, hindi pa lang 100 percent. Noong isang araw, nagluto ng burger ang kasambahay namin at naamoy ko mula sa bintana kung saan ako naka-quarantine. Pero nang nasa harap ko na ang hamburger, wala na akong maamoy,” kuwento ni Bitoy.
Paalala nito, ‘wag maging kampante at maging matatag. Kapag nakaramdam ng sintomas, magpa-check up. Huwag din daw malugmok kapag nagkasakit at iwasang ma-stress.
Sa tanong kung magdo-donate siya ng plasma, positive ang sagot ni Bitoy. “Kinukumpleto ko na lang ang 14-day quarantine ko at ‘pag nakumpleto na, the responsible thing to do is to donate your plasma. To help COVID-19 patients and our country,” sagot ni Bitoy.
Naalala naming nabalita ni Paolo Contis na magre-resume na silang mag-taping ng “Bubble Gang” pero kukunan ang cast sa kani-kanyang bahay muna. Kapag magaling na magaling na si Bitoy, pwede siyang makasali dahil sa bahay lang naman siya kukunan.
Ang wala pang balita ay kung kailan magre-resume ang taping ng Pepito Manaloto na ang pangako ni Bitoy, ang mga kasalukuyang nangyayari sa bansa dulot ng Covid-19 pandemic ay isasali nila sa kuwento.
-Nitz Miralles