PATULOY ang operasyon ng Games and Amusements Board (GAB), sa pakikipagtulungan ng QCPD-DSOU, para sugpuin ang illegal na sabong na patuloy na sumisira sa kabuhayan ng mga legal at lisensiyadong indibidwal sa ‘sabong community.
Nitong Miyerkoles, sinalakay ng grupo ang ilegal na tupada sa Purok 3, Area 5, Laura Street, Quezon City, kung saan apat katao ang nadakip at narekober ang iba’t ibang kagamitin.
Ang operasyon ay bunsod ng inisyatibo ng GAB-Anti-illegal Gambling Unit (GAB-AIGU) sa pangunguna ni GAB Chairman Abraham Kahlil ‘Baham’ Mitra, kasama sina Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid, bilang pagsunod sa direktiba ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na ipagbawal ang lahat ng uri ng sugal kabilang na ang sabong o tupada sa kasagsagan ng pandemic na kung saan mahigpit na ipinapatupad ang physical distancing dahil ito ang sanhi ng mabilis na hawaan.
“Nakalulungkot dahil sa patuloy na ganitong gawain, naapektuhan yung mga legal at lisensiyado nating mga kasama sa sabong nation. Sa ngayon, nakikipag-usap na kami sa Inter-Agency Task Force (IATF) na unti-unti na rin pasimulan ang sabong batay sa ipinatutupad na health protocol,” sambit ni Mitra.
“Marami tayong kasama na talagang sadsad na rin dahil sa mahigit tatlong buwan na pagkahinto ng sabong. Kabuhayan nila ang nakataya ditto, kaya pakiusap naming antay lang tayo at hintayin na masimulan ang sabong sa legal na pamamaraan,” aniya.
Para sa GAB, ang ahensya ng pamahalaan na nagri-regulate sa pagsasagawa ng mga international derbies sa bansa gayundin bilang licensing agency sa mga opisyal ng sabong gaya ng mananari, sentenciador at manggagamot, ang mga ilegal na sabong o tupada ay may malaking negatibong epekto sa pagbubukas muli ng mga legal na sabong. Ito rin diumano ay isang babala sa mga lisensyadong mananari, manggagamot at sentenciador na sila ay desididong tanggalan ng lisensya ng GAB dahil sa partisipasyon sa ilegal na sabong, kagaya ng mga nauna nang aksyon ng GAB.
Ang impormasyon hinggil sa iligal na sabong sa Laura Street, Quezon City nag -ugat sa pinaigting na monitoring activities ng GAB-AIGU na tinukoy ang mga pinagdadausan ng tupada sa Kamaynilaan hanggang sa mga kalapit-probinsya. Ang GAB ay agad na nakipag-ugnayan sa QCPD-DSOU sa pamumuno ni PMAJ Manuel Dela Cruz para mapagtagumpayang masakote ang mga sangkot sa nasabing iligal na sabong.
Ang mga indibidwal na nadakip at mga ebidensyang nakumpiska ay kasalukuyang nasa kustodiya ng QCPD-DSOU. Ang mga nadakip ay sasailalim sa booking procedure para sa paghahanda ng isasampang kaso.