HINDI nakalimutang puriin ng It’s Showtime host na si Vice Ganda ang labing-isang Kongresista na bumoto pabor sa pagpapalawig sana ng ABS-CBN franchise. Bagama’t nabigo ang ABS-CBN sa kanilang franchise bid sa botong 70-11, hinding-hindi makakalimutan ng mga Kapamilya artists ang katapangang ipinakita ng nasabing labing-isang matatapang na mambabatas na bumoto sa paagbabalik-ere ng istasyon.
Idinaan ni Vice sa joke ang tila patama nito,”Gusto lang po namin linawin na lahat po ng mga manonood natin, lahat po nang mga pumasok dito na galing sa iba’t ibang barangay at distrito ay chineck namin kung ang kanilang mga congressmen ay pasok doon sa 11 na mga kaibigan namin. Charot.”
Sinundan pa ito ni Vice ng: “Mabuhay ang 11 mambabatas! Habambuhay namin kayong ipagdiriwang!”
“Dun sa 70, ituloy-tuloy natin ang palabas,” pasaring pa ng host.
Kabilang sa mga kongresistang bumoto pabor sa ABS-CBN franchise renewal sina Bienvenido Abante Jr., Manila 6th District; Carlos Isagani Zarate, Bayan Muna party-list; Christopher De Venecia, Pangasinan 4th District; Edward Vera Perez Maceda, Manila 4th District; Gabriel Bordado Jr, Camarines Sur 3rd District; Jose “Ping-Ping” Tejada, North Cotabato 3rd District; Lianda Bolilia, Batangas 4th District; Mujiv Hataman, Basilan; Sol Aragones, Laguna 3rd District; Stella Luz Quimbo, Marikina 2nd District; at Vilma Santos-Recto, Batangas 6th District.
-ADOR V. SALUTA