NGAYONG panahon ng coronavirus pandemic, nakikita natin ang kahalagahan ng bakuna. Maaari itong makasalba ng buhay. Mapipigil nito ang paglaganap ng maraming sakit.
Nitong nakaraang mga taon, kung inyong naalala, marami sa atin ang diskumpyado sa kagalingan ng bakuna sa ating kalusugan. Sinabi nga ng Department of Health (DoH) noon, isa sa mga rason ng paglaganap ng tigdas sa ating bansa noong nakaraan taon ay ang pagdududa ng marami sa atin sa bakuna.
Dahil nga dito, marami ang nakatigdas sa bansa. Umabot ito ng mahigit pa sa 33,000 sa ating bansa ang nagkatigdas at 466 ang namatay, simula Enero hanggang Mayo 2019. Maiiwasan sana ito kung mas maraming mga bata ang nabakunahan laban sa tigdas at iba pang sakit. Sa mga first world countries, kaya nilang i-contain agad ang mga ganitong sakit. Sa atin, kahit nagkaroon na ng malawakang pagbabakuna laban sa tigdas para hindi na dumami pa ang mga kaso, marami pa rin ang nagkakaroon nito. At marami ang ginugupo nito, lalo na sa mga probinsya. Hindi pa ganoon kalakas ang health system.
Ano nga ba ang bakuna, kapanalig?
Ayon sa World Health Organization, ang bakuna ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang hadlangan ang sakit. Tinutulungan nito ang immune system ng isang tao na makilala ang mga virus o bacteria na nagdudulot ng sakit sa ating katawan. Maraming mga sakit ang pinawa-walang bisa nito, gaya sa tigdas, polio, tetanus, diptheria, meningitis, influenza, at tipus.
Ngayon, sa panahon ng coronavirus, ang bakuna ang nakikitang paraan upang tuluyang masugpo ito. Umaasa ang buong mundo na may makagawa na ito upang ma-mass produced na at mapamudmod ito sa buong mundo. Ayon sa University of Oxford, ang kanilang ginagawang bakuna ay nasa clinical trial stage na at maaaring magamit na sa Setyembre. Magandang balita ito na nagbibigay pag-asa sa maraming mga bansang ginigipit ng sakit na ito. Sana ay magawa na ito, at sana, kayanin na mas maaga.
Ayon sa Solicitudo Rei Socialis, maipaparamdam natin ang pagmamahal at pagtatangi sa lahat, lalo na sa maralita, sa pamamagitan ng paglingap sa gutom, maralita, sa walang access sa serbisyong kalusugan, at sa lahat ng nawawalan na ng pag-asa. Kapanalig, ang mga inobasyon at imbensyon sa agham at medisina ay mga biyayang dapat nating suriin at pasalamatan. Sinusulong nito ang kabutihan at buhay ng balana, lalo na ang mga nasa laylayan.
-Fr. Anton Pascual