KINUMPIRMA nitong nakaraang linggo ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na nakatakdang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa isla ng Boracay sa darating na Huwebes, Marso 12, upang personal na makiisa sa pagsisikap na mapalakas ang diwa ng paglalakbay sa loob ng bansa.
Bukod sa promotion, iinspeksyunin din umano ng Pangulo ang mga nagawa sa isla mula nang ma-rehabilitate ito.
“It’s the first time that he’s (Duterte) going to Boracay since it opened so he will probably also look at the changes in Boracay and, of course, it’s his way of promoting domestic tourism,” pahayag ni Romulo-Puyat sa isang press briefing.
Apektado ang turismo ng Boracay ngayon dahil sa ipinatutupad ng travel ban ng pamahalaan, upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Sa isla pa lamang, aniya, ay bumaba na sa 40 porsiyento ang occupancy rate.
Sa patuloy na paglala ng sitwasyon dulot ng COVID-19, sinabi ni Romulo-Puyat na mahigpit ang pakikipagtulungan ng mga publiko at pribadong sektor upang mapanatiling matatag ang industriya ng turismo sa basa.
Nanawagan naman ang DOT sa Tourism Coordinating Council (TCC) para sa isang emergency meeting upang matalakay ang mga hakbang na maaaring ipatupad upang mapigilan at malimitahan ang epekto ng outbreak.
Siniguro naman ng Department of the Interior and Local Government ang pagtatatag ng protocol mula sa barangay level.
Habang ang Department of Transportation, ay siniguro na nagpapatupad ang ahensiya ng mahigpit na protocol partikular sa pananatiling malinis ng mga paliparan at mahigpit na koordinasyon gayundin ang sanitasyon ng mga eroplano.
Sa kabilang banda, nangako naman ang Department of Environment and Natural Resources na patatatagin ang environmental protection sa mga tourist destination para sa pag-akit ng lokal na mga turista.
Base sa datos ng Bureau of Immigration, bumagsak sa 41.4 porsiyento ang kabuuang tourist arrivals nitong Pebrero, mula sa 713,394 bisita noong nakaraang taon.
PNA