MASAYA ang mga producers at directors na nag-attend ng announcement ng 1st Summer Metro Manila Film Festival na ginanap sa Novotel Manila in Araneta City last Monday afternoon. Bago ang announcement ng 8 official entries, isa rin iyong Appreciation merienda cena para sa mga winners ng katatapos na 45th Metro Manila Film Festival last December, 2019. Tinanggap ng mga winners ang cash prizes na pinanalunan nila sa iba’t ibang kategoriya.
Pinalakpakan ang bawat isang pelikulang napili mula sa 24 movies na naisumite sa Screening Committee ng 1st Summer MMFF, na mukhang karapat-dapat ang bawat isang napili.
Isa nga sa nakausap namin si Direk Joel Lamangan na ang entry nila ng Heaven’s Best Entertainment, Inc. na Isa Pang Bahaghari ay isa sa napiling entry. Produced ito ni Harlene Bautista at tampok sina Superstar Nora Aunor, kasama sina Phillip Salvador, Michael de Mesa, Sanya Lopez at Zanjo Marudo. Isang family drama ito at iyong mga nagkaroon na ng chance na mapanood ito ay nagsabing napakaganda ng movie.
Isinali na ito ng Heaven’s Best Entertainment, Inc. last December sa MMFF pero hindi napili ng Screening Committee. Ano ang feeling ni Direk Joel na ngayon ay kasama na sila sa 1st Summer MMFF?
“Sabi ko, pang-summer pala si Ate Guy, hindi Pamasko,” biro ni Direk Joel. “Pero masaya kami nina Harlene at ni Dennis Evangelista dahil napili kami. At napansin naming magaganda ang mga entries ngayon. Iba pa rin kapag buo nang napapanood ng Screening Committee ang pelikula. Kaya salamat, salamat.”
Siyempre pa ay hindi mo na ipagtatanong ang acting ng tatlong bida ng pelikula, sina Ate Guy, Kuya Ipe at si Michael na muling gaganap na isang beki sa story. Kumusta naman sina Sanya at Zanjoe na first time naidirek ni Direk Joel?
“Mahuhusay sila. Sensitive actress si Sanya, wala siyang reklamo sa mga ipinagawa namin sa kanya. Bagay naman kay Zanjoe ang role niya. Kaya sana magustuhan ng mga moviegoers ang movie namin. At sana panoorin nilang lahat ang walong entries.”
Based sa trailer, napakaganda ng cinematography, lighting, at musical arrangement ng movie, at ang aktingan, wala kang itutulak-kabigin, kahit maikli lamang ang ipinakita nilang trailer.
Magsisimulang mapanood ang 1st Summer Metro Manila Film Festival sa April 11, hanggang sa April 21, 2020 in cinemas nationwide. Ang Parade of Stars ay gaganapin sa Saturday, April 4, na magsisimula sa Quezon City Welcome Rotonda hanggang sa Quezon Memorial Circle. Ang Quezon City Government ang host ng 1st Summer MMFF
-NORA V. CALDERON