Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinahagi sa social media ng aktres na si Maja Salvador ang larawan ng anak nila ng mister na si Rambo Nuñez, na si Maria.
Sa isang emosyonal at makabuluhang mensahe para sa kanilang anak, ipinagmalaki ni Maja si Maria, na aniya ay pinakamalaking blessing na natanggap nila.
Ito ang unang beses na ipinakita ni Maja ang mukha ng anak, simula nang magsilang siya. Kung mapapansin, kung hindi nakatalikod, nakatakip ang mukha ni Maria kapag may post si Maja sa social media accounts niya.
Ipinahayag din ng aktres ang matibay na pangako nila ng kaniyang asawa na poprotektahan ang kanilang anak at ang privacy nito sa anumang pagkakataon.
Ayon kay Maja, darating ang panahon na si Maria mismo ang magkakaroon ng pagpipilian kung paano niya nais makilala ng publiko.
"To our Maria, posting this one and only photo para ipakita namin sa buong mundo kung gaano kami ka proud sa pinakamalaking blessing na natanggap namin," aniya.
"Pangako ni Mama and Dada na proprotektahan ka namin at ang privacy mo kahit anong mangyari anak. So when the time comes may choice ka kung paano mo gusto makilala ng mga tao."
Tinapos ni Maja ang kaniyang mensahe sa isang mapagmahal na pahayag para sa kanilang anak, na aniya’y labis nilang minamahal.
Umani ng reaksiyon mula sa mga netizen ang naturang post, na pumuri sa mag-asawa sa kanilang desisyon na unahin ang kapakanan at pribadong buhay ng kanilang anak sa gitna ng pagiging mga kilalang personalidad.
"Napaka kyutiee!!! Manang mana sa Mommy!!!"
"oh ano ung mga nagcocomment ng negative jan??? Grabe jusko!!! baka dpa nila maintindihan caption mo Ms. Maja... napaka gandang bata."
"yown oh pinakahihintay ng lahatttt sooo cutie nman pala eh anyway happy new year baby maria."
"Kaguwapa!"
"So cute!"
Matatandaang nanganak si Maja noong Hunyo 2024, sa unang anak nila ni Rambo.
Kaugnay na Balita: Maja Salvador, nanganak na!