Usap-usapan ang naging hirit ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga matapos niyang magbigay ng reaksiyon sa naging pasabog ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, na umano'y may natanggap na ₱2 milyong Christmas bonus ang mga kongresista at party-list representatives.
Saad pa ni Leviste, nakatanggap din ng ₱1 milyong Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ang ilang mga solon.
Bagay na pinalagan naman ng mga kapwa mambabatas gaya nina Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon at Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila De Lima ang mga alegasyon ni Leviste.
Paliwanag ni Ridon, tanging mga bonus na natatanggap ng mga mambabatas tuwing Disyembre ay kapareho lamang ng mga bonus na ipinagkakaloob sa lahat ng kawani ng pamahalaan, kagaya na lamang ng 13th month pay.
Dagdag pa niya, tumatanggap din sila ng mid-year bonus na kilala bilang 14th month pay. Ang bawat bonus ay katumbas ng hindi bababa sa isang buwanang sahod. Para sa mga miyembro ng Kongreso, aabot umano ito sa humigit-kumulang ₱300,000 batay sa Salary Grade 31.
Paliwanag naman ni De Lima, totoong may MOOE na natatanggap ang mga kongresista subalit hindi ito aabot sa nabanggit na halaga. Natural lamang aniya ang MOOE upang magpatuloy ang operasyon ng opisina ng mga mambabatas, subalit hindi raw ito napupunta sa personal na kita ng mga kongresista.
Samantala, bumanat naman si Barzaga sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Disyembre 31.
Aniya, "Mali si Congressman Leviste, hindi lahat ng Congressman may 2m Christmas bonus."
"Ako wala dahil suspended, at si Congressman Acop wala dahil nasa impyerno," aniya, na ang tinutukoy ay namayapang Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop.
Photo courtesy: Screenshot from Cong. Kiko Barzaga/FB
Kamakailan lamang, nagdaos ng memorial service ang House of Representatives para kay Acop.
Nagbigay ng mensahe ang panganay na anak ng solon na si Dr. Philip Acop laban sa mga nangungutya sa pagkamatay ng kaniyang ama.