SINIGURO kamakailan ng hepe ng 57th Infantry Battalion (57IB) ng Army sa mga Muslim religious leaders at mga residente na patuloy na poprotektahan ng puwersa ng pamahalaan ang mga komunidad laban sa “violent extremism” na pinakakalat ng Islamic State-linked Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.

Inihayag ni Lt. Col. Edwin Alburo ang kasiguraduhang ito sa kanyang naging talumpati sa ginanap na “Symposium on Preventing and Countering Violent Extremism (PCVE)” municipal gymnasium ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao nitong Linggo.

“As far as I know, Islam does not teach killing of innocent people. It does not teach killing of children and women, and that we do not understand what part of Islam teaching the terrorists are following,” pahayag ni Alburo.

Inilarawan din niya ang Islam bilang “a religion of peace,” habang inakusahan nito ang BIFF pagtuturo sa mga kasapi ng maling “teachings of Islam,” tulad ng karahasan.

Aniya, hanggat nasa Maguindanao ang 56IB, susuportahan nila ang pagpapanatili ng kapayapaan ng Islam at ang proteksyon sa “peace-loving communities.”

Sakop ng 57IB ang pagbabantay sa mga bayan ng Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Shariff Saydona Mustapha, Mamasapano, at Datu Unsay, lahat na nasa Maguindanao.

Bilang suporta sa “Development Security and Support Plan (DSSP) - Kapayapaan,” sinabi ni Alburo na ang 57IB – sa pamamagitan ng Community Support Program (CSP) nito – ay aktibong makikilahol sa pagtuturo sa mga residente para sa layuning maiwaksi ang terorismo at maiwasan ang violent extremism.

Kabilang sa plano ang pag-imbita sa symposiums ng Islamic theologians tulad ng “Imams” at “Ustadz” na siyang namamahala sa Madaris (Islamic schools) sa probinsiya, ayon sa opisyal.

Nitong Linggo, dinaluhan ni Sheikh Abuhuraira Udasan, Mufti (Islamic leader) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang palihan na nilahukan din ng nasa 150 religious personalities mula sa iba’t ibang barangay ng anim na bayan, na sakop ng tungkulin ng 57IB.

PNA