HINILING ni Antipolo City 1st District representative at Deputy Speaker Robbie Puno sa Kongreso na gawing ‘naturalize citizen’ si Ateneo de Manila Blue Eagles Ivorian center Angelo Kouame.

Kaugnay nito, inihain ni Puno ang House Bill No. 5951 na humihiling na gawaran ng Philippine citizenship ang 6-foot-9 na si Kouame.

Naniniwala ang mambabatas na magiging mahalagang karagdagan ang 20-anyos sa kampanya ng Philippine men’s basketball team para sa 2023 FIBA World Cup.

“We marveled at his performance that helped clinch a sixteen-and-O sweep for the Ateneo Blue Eagles in the Eighty-Second Season of the UAAP. Mister Kouame may have had little knowledge of basketball before he came to our shores, but we cannot deny the immense potential he has shown by now,” ani Puno.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Base sa FIBA Internal Regulations, pinapahintulutan ang isang bansa na magkaroon mg isang naturalized player sa kanilang national basketball team na ayon kay Puno ay ginagamit ng maraming FIBA member countries para sa kanilang bentahe.

Para sa Pilipinas, nagkaroon na ang ating national team ng dalawang naturalized players sa katauhan nina Marcus Douthit at Andray Blatche.

Bukod sa naturalization ni Kouame, nagmungkahi rin si Puno na magkaroon at magmintina ng isang pool ng mga naturalized players.

-Marivic Awitan