DAVAO CITY – Isinusulong ngayon ng Regional Peace and Order Council (RPOC) 11 ang pagdaraos ng localized peace dialogue sa pagitan ng local government units (LGU) at New People’s Army (NPA) sa Davao Region.

Ito ang ibinahagi ni RPOC chairman at Davao Oriental Gov. Nelson Dayanghirang, matapos ang naging pagpupulong nitong Miyerkules, kung saan sumang-ayon ang mga miyembro sa hakbang, para na rin sa pag-usad ng pagkamit sa kaayusan at kapayapaan sa kanilang mga lugar na patuloy na humaharap sa panganib ng karahasan.

Ayon kay Dayanghirang, patuloy ang pasubok ng pamahalaan na makipag-negosyasyon sa mga opisyal ng officials of National Democratic Front of the Philippines at Communist Party of the Philippines ngunit maraming beses na itong nabigo.

“Why not subukan natin, i-localized natin ang peace talks at tingnan natin kung magiging epektibo ito?” aniya.

Maaaring makatulong aniya, ang pagdaraos ang lokal na diyalogo lalo’t malinaw naman umano sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan ang problema at maaaring makuha ang solusyon sa pamamagitan ng Executive Order 70 o ang Whole of Nation Approach to Attain Sustainable Peace and to End Local Communist Armed Conflict na inilabas ni President Rodrigo Duterte.

Dagdag pa ni Dayanghirang], posible rin anila, na kilala na ng mga lokal na opisyal ang mga rebelde sa kanilang lugar, kaya’t magiging mas madali ang pagkikipag-usap sa mga ito sa pamamagitan localized peace talks.

Aniya, gumawa na ang mga miyembro ng RPOC 11 para sa hakbang na ito at inaasahang isusumite na ito sa Office of the President para aprubahan.

Una nang sinabi ni Davao City Mayor Sara Z. Duterte, na dapat subukan ang localized peace talks kasama ng mga local government units, upang matukoy kung alin sa mga paraan ang makatutulong sa pagkamit ng kapayapaan.

Ayon sa alkade, kung may kakayahan ang mga lokal na opisyal na magsagawa ng diyalogo, dapat itong pahintulutan ng pamahalaan lalo’t sila naman ang tunay na nakararanas ng problema ng karahasan at kaguluhan sa kani-kanilang mga nasasakupan.

-ARMANDO B. FENEQUITO JR