UMAPELA ang mga magsasaka sa probinsiya ng Bulacan, para sa pagpapataas ng alokasyon sa irigasyon ng tubig, habang unti-unti nang tumataas ang level ng tubig sa Angat Dam.

Nitong Biyernes, nagkaroon ng diyalogo si Governor Daniel Fernando sa mga lider magsasaka at mga opisyales ng National Irrigation Administration (NIA) bilang tugon sa hiling ng mga magsasaka sa probinsiyal na pamahalaan na humiling para sa kanila sa National Water Resources Board (NWRB).

“There is a chance that the NWRB would increase the irrigation water allocation to Bulacan farmlands at 20 cubic meters per second (cms) and possibly to its normal 30 cms if the water elevation in Angat Dam continues to improve,” pahayag ni Fernando.

Ang Angat Dam ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at irigasyon ng palay sa mga sakahan ng Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga.

Nitong Enero, naglaan lamang ang NWRB ng 10 cms sa halip na normal na 30 cms para sa irrigation at 40 cms para sa suplay ng Metro Manila mula sa normal nitong 46 cms.

Ang 10 cms alokasyon sa irigasyon ay ipinagkaloob lamang sa north zone service areas ng NIA, kung saan kabilang ang mga bayan ng Baliwag, ilang bahagi ng Calumpit, Pulilan, San Ildefonso, at San Rafael sa Bulacan at San Simon, Apalit, Candaba, at San Luis sa Pampanga.

Dahil dito walang natatanggap na serbisyong irigasyon ang south zone service areas ng NIA, kung saan sakop ang mga bayan ng Hagonoy, Balagtas, Bocaue, Bustos, Bulakan, Plaridel, ilang bahagi ng Calumpit, Angat, Guiguinto, Pandi, Paombong, at ang siyudad ng Malolos.

Samantala, sinabi ni NIA regional manager Josephine Salazar na nagtakda na sila ng pulong kasama ng mga lider magsasaka mula sa north at south zones service areas ng ahensiya upang makabuo sila ng plano kung paano higit na mapakikinabangan ng maayos ang suplay ng irigasyon.

Sinusuplayan ng Angat Dam ang irigasyon ng nasa 20,000 ektaryang sakahan sa Bulaan. Habang tumatanggap din ng suplay ang nasa 2,000 ektarya ng sakahan sa Pampanga sa Candaba at sa bahagi ng San Luis at Santa Ana.

PNA