PLANO ng lokal na pamahalaan ng Maynila na gamitin sa pagpapatayo ng bagong pasilidad sa loob ng Boys’ Town sa Parang, Marikina ang mahigit P13.8 milyong donasyon sa lungsod na natanggap nila.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang naturang bagong pasilidad ay mapapakinabangan ng mga batang nagkakanlong sa naturang lugar.

Nabatid na ang naturang pondo ay mula sa Rotary Club of Manila Bay, na nagkaloob ng P12.5 milyon; mula kay Rudy Wong, na nagbigay naman ng P500,000, habang ang P888,000 pa mula sa isang sponsor, na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Kaugnay nito, siniguro rin naman ng alkalde na hindi masasayang ang mga salaping idinu-donate sa lungsod at tiniyak na ilalaan nila ito sa mga kapaki-pakinabang na proyekto.

Pangangasiwaan rin, aniya, ito ng binuo niyang donation committee, kung saan mahigpit ang paalala niya hinggil sa pagpapairal ng transparency.

-Mary Ann Santiago