TUNAY na may paglalagyan ang Pinoy sa eSports ng 30th Southeast Asian Games.

Nadomina ng Sibol, kakatawan sa Team Philippines sa pinakabagong sports na lalaruin sa biennial meet sa Nobyembre, ang mga events laban sa international counterparts sa ginanap na SEAG ‘test event’ nitong Lunes sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Nakuha ni top-tier Tekken player Andreij “Doujin” Albar ang unang ginto nang gapiin si MEAT ng Indonesia sa final round.

Matapos mabigo sa unang laban gamit ang Heihachi, nagpalit si Albar ng gamit na Panda para makabawi at maipanalo ang tatlong sumunod na laban para sa kampeonato.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Matikas na bumawi sa malamyang simula ang PH Dota team para gapiin ang Malaysia, 28-18, sa opening game. Sa Finals, walang hirap ang diskarte ng Pinoy para walisin ang karibal, 2-0.

Nakumpleto ng Sibol’s Mobile Legends: Bang Bang team ang ‘sweep’ sa tatlong event nang pabagsakin ang crowd favorite Indonesia para sa ikatlong gintong medalya.

Iginiit ni team manager Alvin Juban, na ang panalo ng Sibol ay tapik sa balikat ng Team Philippines para makopo ang kampeonato sa SEA Games.

“I think everybody better watch out because the Philippines just showed the rest of the world that the Philippines is ready,” pahayag ni Juban.

Sumabak sa test event ang Philippines, Thailand, Malaysia, at Indonesia.

SA SEA Games, siyam na koponan ang maglalaban-laban para sa anim na nakatayang gintong medalya sa kompetisyon na gaganapin sa December 5-10.