SALAMAT sa teknolohiya, mas madali na ngayon para sa mga modern-day historian na gawin ang kanilang mga pananaliksik na maaaring magbigay-daan upang matuklasan nila ang ilang mga bago at mahahalagang impormasyon hinggil sa mga kaganapan sa nakalipas.

Para sa lungsod ng Bacoor, hindi na lamang umiikot ang kanilang kasaysayan sa sikat na marching band, mga lumang simbahan, at kay Fr. Mariano Gomez – isa sa tinguriang Gomburza – dahil ito sa bagong aklat na higit na nagpapakilala sa kasaysayan ng lungsod.

May titulong “Kasaysayan ng Bacoor (1671-1900)”, na akda ng Cavite historian at pangulo ng Cavite Historical Society (CHS), Emmanuel Franco Calairo, PhD, ibinabahagi ng aklat ang tungkol sa mayamang kasaysayan at kultura na mayroon ang Bacoor.

Sa isang panayam kamakailan, hinikayat ni Calairo ang publiko, partikular ang mga residente ng Bacoor na basahin ang “Kasaysayan” at tuklasin ang mga impormasyong bago na hindi makikita sa ibang mga aklat.

“It is intended for the citizens of Bacoor city who would want to discover the colorful history and heroic struggle of their forefathers.

The book will make each Bacooreǹo proud of (his/her) heritage,” aniya.

Nagbibigay rin, aniya, ito ng mahahalagang tala hinggil sa kasaysayan ng lungsod sa kampanya para sa kalayaan.

“It is a definitive publication on history, based on credible historical research,” diin pa ni Calairo.

Nahahati sa apat na bahagi, nakatala sa aklat ang kasaysayan ng Bacoor mula sa panahon ng mga Espanyol hanggang sa digmaang Pilipino-Amerikano.

Binuo noong 2017, mababasa sa aklat ang kasaysayan ng Bacoor mula noong isang bayan pa ito sa panahon ng mga Espanyol hanggang sa naging gampanin nito sa iba’t ibang panghihimagsik sa pamamahala ng mga Kastila.

Tinatalakay naman sa huling bahagi ng aklat ang una nang nabanggit sa tatlong bahagi.

Aminado naman si Calairo, na isang mahirap na proseso ang pagsusulat ng aklat, lalo na sa paghahanap ng mga pangunahing mapagkukunan ng mga tala.

Aniya, 80 porsiyento ng aklat ang mula sa mga primary sources, habang ang nasa 30 porsiyento ay mula sa mga nauna nang aklat.

Ang “Kasaysayan” ang una sa tatlong proyektong aklat para sa kasaysayan ng Bacoor.

PNA