INABOT ng tatlo at kalahating oras si presidential spokesman Salvador Panelo bago nakarating sa kanyang opisina sa Malacañang, sa Maynila mula sa kanyang bahay sa New Manila, Quezon City nitong nakaraang Biyernes. Umalis siya ng bahay ganap na 5:15 ng umaga, tatlong beses na sumakay ng jeep—mula New Manila patungong Cubao, pa Marikina, at patungong Gilmore – saka nakiangkas sa isang pribadong motorsiklo patungo sa New Executive Building sa Malacañang, na narating niya dakong 8:46 ng umaga.
Ayon kay Panelo, karaniwang gumagamit siya ng kanyang sasakyan patungo sa kanyang opisina at inaabot lamang ito ng 40 minuto o 90 minuto kung rush hours. Aniya, sumakay siya ng jeep upang tanggapin ang hamon ng ilang grupo, para maranasan niya kung ano ang dinadanas ng mga ordinaryong manggagawa at mga estudyante araw-araw.
Nanindigan din siyang walang krisis sa transportasyon, na aniya’y, nangangahulugan ng ‘total breakdown’ na walang masakyan, o paralisado ang buong trapiko. Ang nararanasan natin, aniya, ay isang ‘traffic crisis’ na isinisisi naman niya sa bulto ng mga sasakyan, maraming paglabag sa mga batas trapiko, ‘di mainam na pamamahala sa trapik, at kulang na mga daanan.
“We’re 20 years behind on our roads,” aniya, kaya nagpapatayo na ngayon ang pamahalaan ng mga skyways at tulay, pinalalawak ang mga kalsada, at binubuksan ang mga bagong ruta sa ilalim ng “Build, Build, Build.” Iminungkahi rin niya na agahan na lamang ng mga komyuter ang pagbiyahe upang makarating ng tama sa oras sa kanilang mga destinasyon.
Gayunman, hindi ito dapat tanggapin na lamang bilang ang “new normal,” ani Panelo. “Hindi dapat ganoon. It cannot be permanent. We have to change it.” Batid ng mga opisyal sa transportasyon ang problema at inaaksiyunan na nila ito, aniya.
Natuto nang mamuhay ang mga komyuter sa Metro Manila kasama ng matinding sitwasyon ng trapik. Bago pa ipinayo ni spokesman Panelo sa kanila na gumising ng mas maaga, matagal na nila itong ginagawa. Matiyaga silang pumipila upang makasakay, at maisakatuparan ang kanilang mga pang-araw-araw na gawain, at muling dadanasin ang parehong ruta na pagpila upang makasakay at paggugol ng mahabang oras sa lansangan bago makauwi ng bahay.
Ikinalulugod nila ang hakbang na ginagawa ng pamahalaan—lalo na ang pagtatayo ng mga nakataas na kalsada—ngunit umaasa silang mas mabilis itong matatapos. Ikinatutuwa rin nila ang iba’t ibang pagsisikap upang mapababa ang bilang ng mga sasakyan na gumagamit ng lansangan, ngunit umaasa sila na makaiisip ang mga tagaplano ng tumpak na solusyon.
Dapat purihin si Spokesman Panelo para sa ginawa nitong pag-iwan sa kanyang sasakyan at paggamit ng pampublikong transportasyon patungo sa kanyang opisina nitong Biyernes. Mabuti nang naranasan niya kahit isang araw ang dinaranas ng libo-libong tao araw-araw. Maaari na siyang maging tagapagsalit para sa mga tao na nagtitiis na mamuhay sa araw-araw na problema ng tatlong oras na trapik sa umaga at panibagong tatlong oras na trapik sa gabi.
Tanggap ng publiko na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang masolusyunan ang problema. Umaasa lamang silang higit pang mapagbubutihan ito ng gobyerno.