PATULOY ang kampanya ng Games and Amusement Board (GAB) para masawata ang illegal bookies, at sa pakikipagtulungan sa NBI-AOTCD kamakailan ay matagumpay na nalansag ang ilegal na operasyon sa Sta. Ana, Manila.
Sa report na isinumite kay GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, dalawa katao na sangkot sa naturang ilegal na bookies ang dinampot ng NBI.
Ang operasyon ay bunsod ng inisyatibo ng GAB na supilin ang operasyon ng illegal bookies sa karera ng kabayo dahil ang mga ito ay walang permit mula sa GAB samantalang meron namang mga Off-Track Betting Stations (OTBS) na may kaukulang permit o legal na nag-ooperate.
Ang mga nadakip ay sumailalim sa proseso para sa pag-file ng Inquest gaya ng finger printing, medikal at pagkukuha ng larawan at kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI. Ang mga kagamitan at materyales na nasakote mula sa operasyon ay naimbentaryo saksi ang mga opisyal ng barangay at nasa pangangalaga din ng NBI bilang ebidensya.
Ang maigting na operasyon kontra illegal bookies ay dahil sa masigasig na mithiin ng GAB, sa pangunguna ni Chairman Mitra na protektahan ang mga legal na patayaan sa karera ng kabayo na nagpapasok ng pondo na nagagamit sa mga programa ng mga institusyon ng pamahalaan.