Tiniyak kahapon ng Department of Health (DoH) sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na walang outbreak ng meningococcemia.
Inilabas ni Regional Director Eduaro Janairo ang pahayag nang makumpirma na isang 53-anyos na babae mula sa Tanauan, Batangas ang binawian ng buhay kamakailan dahil sa meningococcemia habang tatlong iba pang pasyente na mula rin sa Batangas ang sinusuri at hinihinalang dinapuan nito.
Wala aniyang dapat na ipangamba ang publiko, partikular na ang mga residente ng Batangas, dahil ‘isolated case’ lamang aniya ang insidente.
Sa rekord, binanggit na ang hindi pinangalanang pasyente ay bumiyahe sa Dubai, United Arab Emirates (UAE), at umuwi sa Pilipinas noong Mayo.
Nitong Setyembre lamang ito nakitaan ng mga sintomas ng sakit at nitong Setyembre 21 ay binawian ito ng buhay sa isang pagamutan sa Tanauan.
Ipinaliwanag ni Janairo, posibleng noong nasa Dubai pa ang biktima ay dinapuan na ito at naging carrier ng sakit ngunit hindi kaagad ito nakita dahil malakas pa ang katawan nito at nang pagdating sa Pilipinas ay posibleng humina ang resistensiya nito kaya’t dito na nakitaan ng sintomas ng karamdaman hanggang sa tuluyang igupo at mamatay.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Janairo na hindi pa kumpirmado kung meningococcemia rin ang naging sakit ng tatlo pang pasyente, na binawian ng buhay, dahil hinihintay pa nila ang resulta ng pagsusuri sa blood samples ng mga ito.
Sa panig ni Glen Ramos, public information officer ng DoH-Calabarzon, kaagad nilang iaanunsiyo ang magiging resulta ng pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa blood samples ng isang 46-anyos na babae mula sa San Jose, Batangas, gayundin ng isang 1-year old girl at 2-year old boy, na mula naman sa Nasugbu, Batangas, at pawang nakitaan din ng mga sintomas ng sakit.
Tiniyak naman ni Ramos na binigyan na ng prophylaxis at mga antibiotic ng DoH ang lahat ng mga taong nakasalamuha ng mga naturang pasyente.
Paliwanag ng DoH, ang meningococcemia ay malubhang sakit dulot ng bakterya at ang malalang kaso nito ay nagdudulot ng impeksiyon sa utak, gulugod at dugo, na nakamamatay.
Maaari lamang naman aniyang maihawa ang sakit sa pamamagitan ng pag-ubo at paghalik at nakukuha rin ito sa bacteria na katulad ng sa meningitis.
Bawat indibidwal rin aniya ay mayroon nang naturang bacteria sa ating upper respiratory tract ngunit hindi ito lumalabas kung malakas ang resistensiya ng isang indibidwal, kaya’t mahalaga aniyang malusog ang pangangatawan ng bawat isa.
Tulad ng dengue, ilan sa mga sintomas ng meningococcemia ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo, sore throat, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, pagkakaroon ng rashes o mga pantal sa katawan at pagiging iritable.
-Mary Ann Santiago