MALAKING isyu sa hosting ng 30th Southeast Asian Games ang mga venues na pagdarausan ng ilang sports sa Manila at karatig lungsod para sa biennial meet na nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Ibinida ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) ang kabuuan ng New Clark City – sentro ng SEA Games – gayundin ang kalapit na Subic Bay, ngunit ilang sports pa rin ang kasalukuyang nakikipagbuno sa oras para sa kanilang lygar na pagdarausan.

Ilan sa mga sports ay hinahanapan pa ng tamang lugar, ngunit ang ilan ay may nakuha nang angkop na lugar, tulad ng Obstacle Sports.

Sa unang pagkakataon, lalaruin sa Pilipinas ang nasabing sports na nakatakdang gawin sa Filinvest Alabang.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Mismong ang presidente ng Pilipinas Obstacle Sports Federation (POSF) na si Atty. Alberto Agra ang siyang nagsabi na sa Filinvest Alabang na nga gagawin ang naturang sports para sa biennial meet matapos ang pagpilian ang ilang lugar para dito.

“The final venue where the obstacle course race will be played is at Filinvest Alabang,” ayon kay Agra.

Unang inihain bilang venue ng naturang sports na magaganap sa Disyembre 2 hanggang 6 ang UP Sunken Garden, ngunit hindi natuloy ang negosasyon sa pagitan nina Agra at ng UP management.

“After meeting with UP officials, there were some concerns. So this week, we’re looking for the fourth venue. Fourth search na namin ito. So hopefully, it would be in Filinvest Alabang,” aniya.

Kasabay nito, pinanglanan din ni Agra ang kompossisyon ng koponan na magrereprisinta para sa Pilipinas para sa eight men and eight women team na magtatangkang makapag-ambag ng marka sa Obstacle Sports.

Kabilang sa sasandigang atleta sina Kevin Pascua, Mark Rodelas, Sherwin Managil, Mervin Guarte, Jeffrey Reginio, Nathaniel Sanchez, Monolito Divina, at Kyle Antolin ang bubuo para sa men’s team, habang sina Rochelle Suarez, Milky Mae Tejares, Sandi Abahan, Glorien Merisco, Kaizen Dela Serna, Deanne Moncada, Klymille Rodriguez, at Diana Buhler para sa women’s team.

“We are very confident that they will be performing well and we’re very hopeful the partnership will last just one year,” pahayag ni Agra.

Anim na gintong medalya ang nakataya para sa nasabing sports kung saan haharap ang Pilipinas sa mga bansang Myanmar, Laos at Malaysia.

-Annie Abad