NAPAPAILING ako sa patutsada ng ilang senador sa oposisyon, pati sa hanay ng kabataan (na niluto sa kalan ng ilang pamantasang maka-komunismo), mga propesor na kuno ilaw ng dunong atbp. sa pagkontra sa panukala ng DILG, PNP, AFP at ng iba pang sangkot na ahensiya, na buhayin ang RA 1700 o Anti-Subversion Law at PD 1835 na nag-aamyenda sa una, noong 1981, panahon ng Martial Law.
Nais din ng mga kinauukulan na baguhin ang piling probisyon ng RA 9372 o Human Security Act (2007). Layunin ng pamahalaan na: 1) Ganap na pagbaka sa pagkalat ng alipores at mga organisasyon na mistulang apakan ng Communist Party of the Philippines (CPP) at armadong NPA; 2) Palakasin ang counter-terrorism sa harap ng mga lokal na peligro at dayuhang banta, halimbawa Abu Sayyaf, BIFF, Jemaah Islamiyah, Isis.
Kung pakikinggan ang tinig ng mga nagmamarunong, aba’y walang panganib sa ating paligid. May mga komento pa, na kung ipapasa ang Anti-Subversion Law, lalo lamang dadami ang subersibo tulad sa panahon ni Presidente Ferdinand Marcos. May palusot pa na baka kasangkapanin ng pulis at militar ang bagong batas upang ilusaw ang karapatan ng mamamayan magtayo/sumapi sa samahan? Abusuhin ang paniniktik kay Juan de la Cruz sa ngalan ng pambansang seguridad.
Una sa lahat ang RA 1700 ay “special legislation” na unang inihain sa administrasyon ni Pangulong Ramon Magsasay Sr. noong 1950. Di ba nga naging popular na presidente si Magsaysay dahil nalumpo nito ang komunistang Huks bilang defense secretary. Naipasa ang RA 1700 June 1957 at pinirmahan ni Pangulong Carlos Garcia. Batay sa mga public hearing, nabisto ng Senado at Kongreso na ang CPP-NPA at iba pang kahalintulad na organisasyon ay may sabwatang pabagsakin ang demokratikong pamahalaan ng republika at ipalit ang diktadurang marahas. Ito ang talino, bakit krimeng maituturing ang CPP at mga kaparehong grupo, pati ang pagsapi rito. Tulad sa Abu Sayyaf o Isis, hindi ba tumpak na ipagbawal ang teroristang grupo? Waring krimen ang pagtulong, pagpondo, pagsama sa ganitong mga layunin at pagkakaisa! Sa ibang bansa nga, bawal ang bandila ng ISIS.
-Erik Espina