ANG kaganapang nagbigay-daan sa pagsiklab ng Rebolusyong Pilipino laban sa mahigit 300 taong pananakop ng mga Espanyol ay kasinghalaga ng pagiging kontrobersiyal nito. Sawa sa pang-aapi sa ilalim ng dayuhang pamamalakad at pagkauhaw para sa kalayaan at kasarinlan, pinunit ng mga Pilipinong rebolusyonaryo sa ilalim ng pamamahala ni Andres Bonifacio ang kanilang mga cedula bilang tanda ng pagtutol.
Ang tanong kung kailan at saan ito nangyari ay lumikha ng matinding kontrobersiya. Tinawag itong “Sigaw sa Balintawak” at ipinagdiriwang tuwing ika-26 ng Agosto. Ngunit, binago ng National Historical Commission ang petsa sa Agosto 23 at ang lokasyon nito sa Pugad Lawin base na rin sa tala ni Dr. Pio Valenzuela.
Maraming lumabas na mga pahayag, na suportado ng ilan at nagkakatalong mga tala, hinggil sa petsa at lugar ng naging ‘sigaw’. Ang petsa nang nasabing kaganapan ay inilagay sa pagitan ng Agosto 23 hanggang 25 at ang mga lugar ay sa Kangkong, Caloocan o Pasong Tamo sa Banlat, Caloocan, o sa Bahay Toro, Caloocan.
Ngunit walang pagtutol sa usapin ng katapangan ni Bonifacio at ng mga Katipunero at ang mahalagang aksiyon nila. Pinilas nila ang kanilang mga cedula bilang pagpapahayag ng pagtutol sa pamumuno ng mga Espanyol. Masasalamin ito sa kasalukuyan, sa nakikita nating katapangan ng mga Pilipino na nakikipaglaban sa mga duyuhang kalaban na may mas malakas na armas.
Sinabayan ng mga Katipunero ang simbolikong kaganapan ng pag-atake sa Mandaluyong, Pandacan at Pasig na nag-udyok sa mga Espanyol na magdeklara ng digmaan sa walong probinsiya—ang Maynila, Cavite, Laguna, Batangas, Bulacan, Tarlac, Nueva Ecija at Pampanga.
Isandaan at dalawampu’t tatlong taon makalipas, ang makasaysayang kaganapan, ang ‘sigaw’ ng mga Pilipinong rebolusyonaryo, anuman ang tamang petsa at lugar, ay dapat na magpatuloy na magbigay inspirasyon sa mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, hindi na natin problema ang mapang-aping pamumuno ng mga dayuhan na kumikitil sa ating dignidad. Wala na ang digmaan na kailangan nating itaguyod upang masiguro ang ating kasarinlan. Ang lugar ng digmaan ay nagbago na ngunit ang kabayanihang kailangan ay nananatiling iisa.
Sa aking 21 taon sa serbisyong publiko, lagi kong iginigiit na ang pinakamalaki nating laban na kinahaharap ngayon ay ang pakikidigma laban sa kahirapan. Ipinagkakait ng kahirapan sa ating mga mamamayan ang disente at marangal na pamumuhay na karapat-dapat. Ipinagkakait nito sa ating mga kabataan ang magandang bukas.
Nasaksihan na natin ang maliliit na tagumpay sa ating laban kontra kahirapan. Sa ulat ng Philippine Statistics Authority ngayong unang bahagi ng taon, bumaba ang antas ng kahirapan sa bansa sa 21 porsiyento sa unang bahagi ng 2018 kumpara sa 27.5 porsiyento sa unang bahagi ng 2015. Ang pagbaba na ito ay patunay ng katotohanan ng polisiyang pang-ekonomiya ng administrasyong Duterte ay gumagana at nakaaabot sa mga mahihirap.
Ngunit ang 21% ay nanatiling maraming mahirap na tao. Sa tunay na termino, katumbas ito ng 23.1 milyong Pilipino na hindi nakakamit ang basikong pagkain at ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilyang may limang miyembro. Maari nating ipagdiwang ang maliliit na tagumpay ngunit hindi natin dapat iwaksi ang ating kabuuang hangarin—kalayaan mula sa kahirapan. Hungkag na maituturing ang mga salitang kasarinlan, kalayaan, soberanya kung ang milyon-milyon nating mga kababayan ay nananatiling alipin ng paghamak ng kahirapan.
Hindi na mahalaga kung kailan naganap ang ‘Sigaw sa Balintawak’ o ‘Sigaw sa Pugad Lawin.’ Hayaan nating ang mga historyador ang mag debate kung kailan at saan ito. Ang mahalaga ay ang kahulugang ating nakuha mula sa mahalaga at magiting na kaganapang ito. Ang tanong ay kung paano tayo mabubuhay mula sa aral ng Rebolusyong Pilipino.
Hindi natin kailangan pang magpunit ng isang dokumento o sumali sa isang demostrasyon. Ang ating pagsisikap at pagtitiyaga sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, ang ating kabutihan sa kapwa, at pagkakaisa sa iisang layunin ay sapat na upang mapagtagumpayan ang digmaang ito. Ang ating araw-araw na pakikihamok ang ating rebolusyon.
-Manny Villar