MUKHANG wili ang mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez sa pangalang Maria, dahil matapos nila itong ibigay sa kanilang unang anak na si Maria Isabella, ganito rin ang ipapangalan nila sa kanilang bunso na may second name na Gabriela.
Sa post kamakailan ni Mariel, inilahad niya ang naging inspirasyon nilang mag-asawa sa likod ng pangalan.
Aniya, bukod sa parehas silang Maria ni Isabella, ang pangalang Maria at katulad ng kay Mama Mary.
Pananampalatayang Katoliko pa rin kasi ang sinusunod ni Mariel kahit kasal siya kay Robin na isang Muslim.
Para naman sa ikalawang pangalan ng kanilang anak, ibinunyag ng TV host na inspirasyon niya rito ang Pinay na rebolusyonaryo na si Gabriela Silang.
Isa rin itong pagbibigay-galang sa ina ni Robin na si Eva Carino, na kalahi ni Gabriela.
Last weekend, nagkaroon ng dinosaur-themed baby shower si Mariel. Dinaluhan ang event ng artista gaya nina Jhong Hilario, Ryan Bang, at Amy Perez na mga co-host niya sa It’s Showtime. Nitong Hunyo ibinahagi ni Mariel na babae ang dinadala niya sa pamamagitan ng isang Youtube vlog.
-Regina Mae Parungao