DAGSA ang nagpadala sa akin ng private message para kumpirmahin kung totoo ang nag-viral na photo quote ng iba’t ibang media outfits sa statement ni Kris Aquino tungkol sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rody Duterte.
Karamihan sa kumontak ay mga kaibigang yellow warriors, na sadya yatang walang Instagram (IG) account.
Maaari namang gusto lang malaman ng iba ang pananaw ko sa latest statement ni Kris, na alam nilang malapit sa akin.
Una, may demokrasya sa friendship naming dalawa, tanggap namin ang quirks ng isa’t isa na walang panghuhusga.
So, walang nagbabago sa trato porke nagkakasalungatan sa mga opinyon. Walang makasisira sa tunay na magkaibigan, pati na gunaw ng mundo.
Pero ang mabilisan kong sagot,
“Pakitingnan na lang, naka-post sa IG ni Kris.” Sinulat ko na rin para isahang paliwanag na lang.
Naririto ang kontrobersiyal na post na as of yesterday early afternoon ay may more than 670,000 likes na:
“I watched the SONA in full. Bakit si President Duterte kayang bigyang halaga ang hinaing ng lahat ng mga tao? Sa malalang traffic? Sa mahirap na pagbayad sa SSS, Pag- IBIG, Customs, etc.? Umaksiyon siya at tinanggal ‘yung mga palpak at corrupt sa Philhealth.
Sinabihan tayo na ‘pag may nakitang mali, karapatan nating magreklamo at mag-ingay dahil tayo ang nagpapasuweldo at nagpapaandar sa gobyerno. Bakit ‘yung pinakamakapangyarihan kayang umamin sa taong-bayan na marami pang dapat ayusin?
Matapang na umamin in 35 years siya mismo nahirapang labanan ang corruption.
Napahanga niya ‘ko... Kaya sana, tumulad na lang tayo sa pagka-AUTHENTIC ni Presidente Duterte, hindi nagyayabang, direcho magsalita. We keep saying we deserve a better country, that starts with accountability.
We can have a better (bandila ng Pilipinas) but that starts with us. #krisfeels”
May mabilisang paliwanag si Kris sa isa sa mga nagkomento na ang mga nagra-rally laban kay Duterte ay ang mga tao ring nag-rally noong panahon ng kanyang inang si Pangulong Cory Aquino at kapatid na si Pangulong Noynoy Aquino.
Iminamatwid niya na, for a change, kung meron, tingnan din naman at purihin ang maayos na nagagawa ng gobyerno.
Kung masugid kayong tagahanga ni Kris Aquino, ito talaga ang ugali niya. Masaya siya sa mga positibong bagay o gawa, ayaw niyang mag-dwell sa mga kanegahan.
Tinawagan ko si Kris para hingan ng reaksiyon sa mga dilawan na dumog ang bira sa statement niya.
“Kuya Dindo, aside sa ordinary Filipino followers ko na ‘di ako iniiwan kahit na ano’ng mangyari, may alam ka bang dilawan leaders who stood by me ‘pag may umaatake sa akin, lalo na noong nilalait-lait ang pagkatao ng magkapatid na (Nicko at Jesus) Falcis? Meron ba?
Alam nating wala kahit isa,” sabi ni Kris. “Saka democracy tayo, di ba? Wala ba akong karapatang sabihin kung ano ang nararamdaman ko?
Lahat may freedom to express our opinion. Ano ang pagkakaiba ko sa ibang mga Pilipino para pigilan nila akong magsabi ng nararamdaman ko?
“May personal experiences ako sa mabagal na serbisyo ng government agencies lalo na sa customs at gusto kong tinatanggal ang inefficient government officials, just like noong panahon ni Mom na hindi tinatanggal talaga niya ‘pag mahina ang performance, kaya binanggit ko sa post.
Taxpayer din ako, may rights ako to express my opinion.” Iisa lang ang kahulugan ng nagulong social media dahil sa naturang post ni Kris, may bigat ang opinyon niya.
-DINDO M. BALARES