TUMATANGGAP nang muli ng nominasyon para sa Kasambahay, Kasambuhay Pilipinas Awards 2019, upang kilalanin ang mga namumukod-tanging kasambahay sa bansa, ayon sa Junior Chamber International (JCI) at Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala.
Makakatanggap ng P75,000 cash at tropeo sa isang magarbong seremonya ang bawat isa sa 10 mapipiling awardee, sa ikaapat na taon ng pagpaparangal.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, idinaos sa Araneta Coliseum ang awarding ceremonies para sa Kasambahay, Kasambuhay Pilipinas Awards 2018, at tinampukan ito ng mga kilalang artista at performers.
Ayon kay Bobby L. Castro, CEO ng Palawan Pawnshop at Palawan Express Pera Padala, “Importansiya at dignidad ng matapat na kasambahay ang focus ng awards na binubuo ng mga aral na nagmumula sa simple nilang buhay at pang-araw-araw na gawain”.
Inihayag naman ni JCI President William Ong na ang mga nominees ay dapat na hindi lalagpas sa 75 taong gulang at mahigit pitong taong naninilbihan sa kasalukuyang amo.
Para magpasa ng nominasyon, sinabi ni Ong na kailangang mag-fill up ng nomination form sa kahit saang tanggapan ng JCI o alinmang branch ng Palawan Pawnshop sa bansa.
Maliban sa nomination form na dapat sagutan, kailangan din ng employment certificate at identification card, at isumite ang nominasyon bago ang deadline sa August 31, 2019, sa pinagkunang tanggapan ng JCI office o Palawan Pawnshop branch.