HINDI sumusuko ang “mightiest heroes of earth”upang maagaw ang all-time box office record ng Avatar.
Sa pagbabahagi ng Variety, nadagdagan ng $5.5 milyon ang kita ng Avengers: Endgame sa re-release ng Disney ng pelikula, na nagtala ng 200% increase sa ticket sales mula sa una nitong outing.
Nakapagtala ng $2.75 billion worldwide, ang Endgame na unang inilabas noong Abril 26, habang kapos pa rin ito ng $26 milyon para maungusan ang Avatar.
Nananatiling highest-grossing movie ang sci-fi epic ni James Cameron sa nakalipas na 10 taon na may $2.78 billion sa global box office.
Pero ‘tila determinado ang Disney na higitan ang Avatar nang muli nitong i-release ang Endgame bago pa tuluyang tanggalin sa mga sinehan, pakay na muling hikayatin ang mga fans na panoorin ang pelikula gamit ang dagdag na content at deleted scenes na hindi nakasama sa unang release ng three-hour movie. Sa isang special screenings, na tinawag na Bring Back event, isinama din sa pelikula ang isang video introduction mula kay director Anthony Russo at ang preview ng Spider-Man: Far From Home.
Gayunman, hindi inaasahang mahihigitan ng Endgame ngayong linggo ang Avatar.