INANUNSIYO ng Commission on Elections (Comelec) na 47 sa 51 nanalong party-lists nitong nakaraang midterm election ang nakatanggap na ng kanilang sertipiko ng proklamasyon, habang apat pa ang may kailangang iresolbang kaso. Walo sa mga party-list ang may tig-dalawang puwesto sa 18th House of Representative, sa bisa ng malaking bilang ng boto na nakuha; habang 39 ang may tig-iisang puwesto.
Ito ang pinakabagong ulat tungkol sa mga party-list sa bansa, na kamakailan lamang ay nakakuha ng malaking atensiyon sapubliko nang sabihin ni Pangulong Duterte sa Cagayan de Oro City noong Hunyo na ginagamit lamang ang sistema ng party-list ng mga milyonaryo upang makakuha ng puwesto sa Kamara. “The rich people fund the party-lists,” aniya. “They are named after labourers but the people behind it all are the millionaires.”
Isinasaad ng Artikulo VI (Legaslative Department), Seksiyon 12 ng Konstitusiyon na “for three consecutive terms after the ratification of this Constitution (in 1987), one half of the sector allocated to party-list representatives shall be filled, as provided by law, by selection from the labor, peasant, urban poor, indigenous cultural communities, women, youth, and such other sectors, as may be provided by law, except the religious sector.”
Lumalabas na dahil sa listahan ng mga mahihirap na sektor sa lipunan ng Pilipinas, idinesenyo ang sistema ng party-list para magbigay ng oportunidad sa mga ito na maging bahagi ng Kamara. Ngunit hindi hinaharang ng batas at ng Konstitusyon ang mga mayayaman mula sa paglahok sa sistema ng party-list upang maisulong para sa kapakanan tulad ng higit na benepisyo para sa mga senior citizen at mga guro, at para sa interes ng mga rehiyunal na grupo tulad ng mga Bicolano at Tausug.
Samakatuwid, magiging ideyal kung mapauunlad ang sistema ng party-list bilang paraan upang maisama ang mas maraming mahihirap sa ranggo sa pamahalaan, partikular sa Kongreso, ngunit maaaring mangangailangan ito ng Konstitusyunal na rebisyon. Sa ngayon, kailangan muna nating tanggapin ang mga bagong miyembro ng Kongreso na nagwagi ng puwesto sa pamamagitan ng sistema ng party-list.
Nag-organisa na ang mga kinatawan ng party-list sa Kamara de Representantes bilang isang bloc, upang magkaroon ng mas malakas na dating sa mga isyu sa Kamara, kabilang ang kasalukuyang paghahanap ng speaker. Ang itinilagang lider ng bagong bloc ay si Rep. Micheal Romero ng 1-PACMAN (One Patriotic Coalition of Marginalized Nationals). Siya ang itinalang pinakamayamang miyembro ng Kamara na may net worth na P7.85 billion noong kanyang 2018 Statement of Assets Liabilities and Networth, habang si Senadora Cynthia Villar ang pinakamayamang miyembro ng Senado na may P3.7 billion.
Ang mga balitang ito kamakailan—ang atake ni Pangulong Duterte sa sistema ng party-list at ang mga kinatawan nito sa Kamara na bumubuo ng makapangyarihang bloc—ang naglagay sa party-list sa unahan ng mga kaganapan sa larangan ng politika. Sa pagbubukas ng sesyon ng 18th Congress sa Hulyo 22, kasabay ng pagpapahayag ng Pangulo ng kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), umaasa tayo ng higit pang mga pagbabago na magdudulot ng malaking epekto sa ating politika at ating pamahalaan.