HINIHIKAYAT ng Mambukal Mountain Resort sa Barangay Minoyan, Murcia sa probinsiya ng Negros Occidental ang komunidad na makiisa sa pagpepreserba ng sikat na destinasyon na kinilala ng probinsiyal na pamahalaan bilang isang eco-tourism destination.

Sa pagbabahagi ni Resort manager Ellen Marie Jalandoni, na siyang nanguna sa Community Environment Day, sinabi nitong ang tumataas na bilang ng mga dumadayo sa Mambukal kada taon ang nagpataas ng pangamba para sa kalagayan ng kalikasan, dahilan upang lumikha ng kaalaman at aksiyon.

“We also think sometimes if these developments can compensate for its effects on the environment. We want Mambukal to be known as an eco-tourism mountain destination,” aniya.

Ibinahagi rin ni Jalandoni na ginagamit nila ang isang development plan para sa 23.6-ektaryang resort na nakaugnay sa ekolohikal na proteksiyon lalo’t makikita rin sa lugar ang bat sanctuary, bird watching site, at tahanan din ng ilang mga uri ng paruparo at kakaibang mga hayop.

Kilala rin ang Capitol-owned resort, sa paanan ng Mt. Kanlaon, para sa mga hot springs nito at ilang waterfalls.

Sa unang anim na buwan ng taon, higit 200,000 katao na ang nakabisita sa Mambukal. Habang hanggang nitong Mayo, nakalikom na ang lugar ng kitang P28.7 milyon.

Ayon kay Jalandoni nakatuon ang kampanya sa mga maaaring lumitaw na suliraning pangkalikasan tulad ng deforestation, waste disposal, ecological balance, at sustainable consumption na nakaaapekto sa komunidad.

“As a community, we should work together to further create cooperation and holistic approach to address these environmental concerns,” aniya.

Sa ginanap na event na may temang “Awareness and Action for Environment Protection,” nagkaisa ang mga mag-aaral, mga sundalo, mga opisyal ng komunidad at iba pang volunteers, sa pagtatanim ng mga puno at pagpupulot ng mga basura sa mga bahagi ng Resort.

Nasa libong puno at mga buto ang naitanim, kabilang ang mahigit 500 kawayan para sa mga perimeter areas, gayundin ang mga sinaunang puno at mga namumulaklak na halaman. Ilang bag din ng basura ang nakolekta ng mga mag-aaral.

Pagbabahagi ni Jalandoni na dahil sa mga isinasagawang proyektong pang-impratraktura, sinisigurado rin nilang protektado ang mga puno, at kung kailangan itong putulin, kinakailangang palitan ito ng bago.

Sa kasalukuyan, may nasa 5,000 puno sa Mambukal, at sa pagitan nito ay mga maliliit na library na nagtatampok ng mga libro patungkol sa kalikasan at pagpapaunlad ng ugali.

Dagdag pa ni Jalandoni, bahagi rin ng pagsisikap ang pagbabawas ng plastic sa resort simula ngayong taon. “We’re trying to make a program for that right now.”

Isa pang plano ng lokal na pamahalaan, ang pagbabawal sa pagpasok ng mga motorsiklo sa Mambukal dalawang taon mula ngayon upang makontrol ang ingay o noise pollution na nagtataboy sa mga paniki at ibon mula sa kanilang mga natural na tirahan, ayon kay Jalandoni.

PNA