NAGING meme at online joke ang paghawak ng microphone ni Anne Curtis habang sumasagot si Miss Sorsogon Maria Isabela Galeria sa question-and-answer portion ng Binibining Pilipinas 2019.
Ginanap ang grand coronation ng national beauty pageant sa Smart Araneta Coliseum noong Linggo, June 9.
Pumasok sa Top 15 si Miss Sorsogon, ngunit nabigo siyang makuha ang isa sa anim na korona.
Sa panayam ng entertainment press kay Anne sa It’s Showtime studio nitong Miyerkules, tiniyak ng aktres na walang dapat ipag-alala si Miss Sorsogon sa nangyari.
“Even si Maria Isabela, she also said na she woke up and she was a meme all of a sudden,” ani Anne.
“I commented on her account and I said, ‘Don’t worry about it, don’t worry about the memes’. Minsan ganyan talaga ang madlang pipol, makukulit. Those little things, they make it big.
“I just told her she performed well that night and congratulations to her.”
Kinabukasan, after ng Binibining Pilipinas grand coronation, nakatikim naman ng pang-aasar si Anne mula sa co-host niya sa It’s Showtime na si Vice Ganda. Biniro ni Vice si Anne na ang ganda-ganda ng gown niya nang gabing iyon, pero pinaghawak lang pala siya ng mic sa Q&A ng mga kandidata.
“Ganyan naman talaga si Vice, pangkulit lang naman niya ‘yun!” natatawang reaksiyon ni Anne.
Ito ang pangalawang beses na nag-host ng Binibining Pilipinas si Anne; ang una ay noong 2014.
“Lots of fun, it’s my second time already to host Binibining Pilipinas. It’s always something to look forward to. I had a lot of fun,” aniya, sabay ngiti.
Pinag-usapan din ang mga gown na isinuot ni Anne sa Binibining Pilipinas, dahil apat na beses siyang nagpalit ng gown mula sa tatlong sikat na fashion designers: sina Michael Cinco, Patty Ang, at Michael Leyva.
Si Liz Uy naman ang stylist niya nang gabing iyon.
Proud naman si Anne sa kanyang pag-e-effort: “Always naman. Alam ko na maraming madlang Mamangs na magagalit kapag di ako um-effort.”
Kitang-kita rin ang chemistry nila ng kanyang co-host na si Richard Gutierrez.
“It was good, and I felt if Chard was stressed in the past or nervous about it, we were able to talk about it and rehearsed. Feeling ko, mas na-relax naman siya kahit papaano.”
Binalak din ba niya noong sumali sa mga beauty pageant gaya ng Binibining Pilipinas?
“Never kong naisip,” sabi ni Anne. “Maybe I just know I don’t have the height. Never siyang pumasok.
“It takes a lot… it takes a lot of your life, I think, kasi it’s a lot of stress, a lot of training, a lot of studying because, you know, a lot of social relevance.
“It’s really hard. I have respect for women who do this,” pagtatapos pa ng It’s Showtime host.
-ADOR V. SALUTA