DAHIL sa kabi-kabilang bintang ng iba’t ibang sektor ng sambayanan hinggil sa kapalpakan sa katatapos na mid-term polls, gusto kong maniwala na ang honest, orderly and peaceful elections (HOPE) na ipinangangalandakan ng administrasyon ay naging larawan ng kawalan ng pag-asa. Lumilitaw na ang naturang halalan ay nabahiran ng mga pagdududa at iba’t ibang anyo ng mga katiwalian at mga pagkukulang hindi lamang ng mismong Commission on Elections (COMELEC) kundi ng ilang sektor ng komunidad na lumahok sa eleksiyon.
Kahit na ang automated polls na pinangasiwaan ng Comelec ay pinag-alinlanganan ng ilang grupo, lalo na ng mga minalas sa nakaraang halalan; sinasabi na nabahiran ito ng manipulasyon sa sistema at pagbilang ng mga boto. Sapat bang dahilan ito upang sampahan ng kasong impeachment ang ilang opisyal ng Comelec, tulad ng binabalak ng ilang Kongresista?
Binulaga rin tayo ng katakut-takot na ulat tungkol sa bilihan at bentahan ng mga boto – isang estratehiya ng dayaan sa halalan o election fraud na kinapapalooban ng milyun-milyong pisong pangsuhol sa mga botante. Kabilang na rito ang drug money na umano’y ipinamahagi sa taumbayan na naging dahilan ng pagkakapanalo ng mga narco-politicians. Nangangahulugan na salapi pa rin ang pinakamabisang pamingwit ng boto ng sambayanan, lalo na ng mga naghihikahos sa buhay. Totoo na sa ganitong situwasyon, marami pa rin sa ating mga kababayang mahihirap ang nananangan sa kawikaang ‘kunin ang pera at iboto ang kursunada’.
Kahit na ang party-list polls ay pinutakti rin, wika nga, ng hindi kanais-nais na mga pagbibintang. Matagal ko nang pinaniniwalaan na karamihan sa naturang grupo ay hindi naman kumakatawan sa tinatawag nating marginalized sektor ng sambayanan. Ibig sabihin, mistulang napapabayaan ang ating mga kababayang nasa laylayan ng komunidad sapagkat maraming party-lists ang kabilang sa maririwasang pamilya at political dynasty na ang representasyon sa Kamara ay pansarili lamang. Bakit pinayagan ito ng Comelec?
Ang litanya ng mga kapalpakang ito, at marami pang iba, ay hindi dapat ipagwalang-bahala ng Comelec at ng iba pang ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa katatapos na halalan. Kailangang managot ang mga pabaya sa tungkulin at ang mismong sangkot sa mga katiwalian sa sinasabing manipulasyon ng mga vote-counting machine at iba pang aparato. Kapag hindi ito naaksiyunan, ang hinahangad nating HOPE ay mananatiling hopeless; at lalong mananatili ang ating kawalan ng tiwala sa Comelec.
-Celo Lagmay