NANINDIGAN si Atty. Joji Alonzo na hindi niya pinanood ang most viewed digital movie ng iWant na Glorious, kaya wala siyang ideya na May-December affair ang kuwento nina Angel Aquino at Tony Labrusca.
May entry kasi si Atty. Joji sa 2019 Cinemalaya, na mapapanood sa Agosto, ang Belle Douleur nina Mylene Dizon at Kit Thompson, na ang kuwento ay mas may edad ang babae sa lalaki.
Bukod dito ay mas naunang gumiling ang camera ng Belle Douleur kaysa sa Glorious kaya obviously, sariling concept ito ng Quantum producer at direktor.
“Honestly Reg, hindi ko talaga pinanood ang Glorious, kasi kung pinanood ko baka nga magka-ideya pa ako. Mas nauna kasi itong Belle Douleur kasi matagal ko na itong isinubmit sa Cinemalaya.”
Naikuwento rin sa amin ng handler ni Kit, si Caress Caballero, na mas naunang natapos ang Belle Douleur bago ipinalabas ang Glorious.
Nang magkita kami ni Atty. Joji sa isang pet store ay ipinasilip niya sa amin ang draft ng full trailer ng Belle Douleur, at nanlaki talaga ang mga mata namin. Mas matitindi ang love scenes nina Mylene at Kit kumpara kita Tony at Angel.
May eksenang hubo’t hubad si Kit habang naghihintay naman sa kanya si Mylene, bagay na hindi nagawa ni Tony sa Glorious. At mas agresibo ang mga bida ng Belle Douleur pagdating sa sex scenes.
Gusto naming ikuwento nang detalyado ang mga pinaggagawa nina Mylene at Kit, pero hindi pa naire-release ang trailer ng pelikula, kaya abangan na lang kung kailan ito ilalabas ni Atty. Joji. O mas magandang abangan na lang sa Cinemalaya Film Festival ang Belle Douleur.
Samantala, abala rin si Atty. Joji bilang producer sa digital movie nina Beauty Gonzales at Seth Fedelin, sa direksIyon ni Kip Oebanda, mula ulit sa Dreamscape Digital, at mapapanood sa iWant.
Si Beauty daw ang choice ng production dahil bagay sa kanya ang karakter, na sa ganung edad ay may binatilyo nang anak.
“Si Seth, nag-audition siya, nandoon ako at lahat kami siya ang gusto. Kasi ‘yung mata niya, meron siyang innocent look, at the same time makulit na bata. Basta abangan mo, Reg, maganda itong movie nina Beauty at Seth,” sabi sa amin ng abogadang producer/direktora.
Inurirat din namin kung bakit kahit abala sa kanyang law firm si Atty. Joji ay panay pa rin ang gawa niya ng pelikula.
“Kasi, Reg, may mga tao ako sa post (Quantum Films). Siyempre kailangan ng trabaho, kaya kahit maliit lang ang kinikita ko go lang, kasi para sa mga tao ko. Ang gagaling ng mga bata, ang huhusay nila.
“Hindi kalakihan ang kinikita sa post, pambayad lang ng bills. Ang malaking percentage ay sa pasuweldo,” paliwanag sa amin ni Direk Joji. Hayan, iba na ang tawag namin kay attorney.
-REGGEE BONOAN