NAISULAT ng Arellano University ang kasaysayan sa NCAA Cheerdance competition matapos gapiin ang University of Perpetual Help System Dalta para sa makumpleto ang ‘three-peat’ sa ika-94 season ng premyadong collegiate league nitong Huwebes sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa saliw ng musika ng dekada 90, naisalba ng Chief Squad ang ilang kamalian sa krusyal na sandali sa pamamagitan ng kahanga-hangang stunts, tampok ang pamatay na pyramid na nagbigay sa kanila ng distansiya sa mga karibal at kabuuang 229.5 puntos para sa ikatlong sunod na kampeonato.
“Although we have some minor errors but I saw the heart of a champion team, that’s why we still perform well,” pahayag ni AU coach Lucky San Juan.
Impresibo rin ang ruta at performance ng Perps Squad, ngunit malaking kabawasan sa kanilang puntos ang serye ng pagkakamali sapat para makatipon ng 222.5 puntos para sa ikalawang puwesto.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na tumapos ang UPHSD sa likuran ng AU, sapat para patatagin ang nabubuuong hidwaan sa magkabilang panig.
“I think it was the degree of difficulty that helped us win. We had to the more difficult stunts,” sambit ni San Juan.
Pangatlo ang Mapua Cheering Cardinals, ang inaugural NCAA cheerleading titlist, sa nakubrang 211.5 puntos para sa ikaapat na third place finish sa torneo.
Hindi naman nakatulong sa Letran ang pagrecruit sa 10 miyembro ng dating national cheerleading champion Central Colleges of the Philippines, sa nakamit na 207 puntos para sa ikaapat na puwesto.