ANG malagim na pagpatay kamakalawa sa isang negosyante habang binabaybay ang kahabaan ng EDSA ay naghatid ng kakila-kilabot na katotohanan: Naglipana ang armas sa kabila ng pag-iral ng gun ban kaugnay ng napipintong mid-term polls; kasabay ng paglipana rin ng mga kampon ng kadiliman na walang habas sa pagpaslang sa sinumang nais nilang utasin. Halos kasabay nito ang pagpatay kahapon sa aming mga kababayan samantalang nagsasaya sa isang lugar sa Cabanatuan City; basta na lamang sila pinagbabaril ng riding-in-tandem.
Natitiyak ko na ang naturang kahindik-hindik na pamamaslang ang naging batayan ng ilang mambabatas upang mistulang utusan ang Philippine National Police (PNP) na pag-ibayuhin ang gun-control measures. Nais ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, halimbawa, na suspindehin ng PNP ang Permit to Carry Firearms Outside Residences (PTCFOR). Naniniwala ako na bilang dating PNP Director General, alam na alam ni Lacson ang malubhang implikasyon ng walang pakundangang paghawak ng mga armas.
May lohika ang gayong pangamba ng mga mambabatas, lalo na nga kung isasaalang-alang ang kabi-kabilang pagpatay sa katulad nilang mga lingkod ng bayan. Nakakikilabot, halimbawa, ang pagpaslang kamakailan kay Congressman Rodel Batocabe sa Daraga, Albay. Malagim din ang pagpatay kina dating Kadingilan, Bukidnon Mayor Joelito Talaid, Mayor Antonio Halili ng Tanauan City, sa aming kababayang si Mayor Ferdinand Bote ng Gen. Tinio, Nueva Ecija, at iba pa. Kabilang din dito ang ilan nating mga kapatid sa media na tulad nina radio anchor Joey Llana ng Daraga, Albay, at marami pang iba na inutas samantalang tumutupad ng makabuluhang tungkulin bilang tagapagpalaganap ng makatuturang impormasyon na dapat malaman ng ating mga kababayan.
Kasabay ng pagpapatupad ng mahigpit na gun-control, isinulong din ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ‘Oplan Katok’ laban din sa naglipanang loose firearms o mga baril na walang lisensiya. Tulad ng pagbibigay-diin ni Director Guillermo Eleazar ng naturang tanggapan, ang ating mga pulis ay kakatok sa mga bahay ng mga gun owners na nag-iingat ng mga baril na may expired license.
Hindi marahil kalabisang banggitin na tayo ay naging bahagi ng naturang operasyon ng mga pulis. Magalang na kumatok sa aming tahanan ang isang alagad ng batas, hindi upang ako ay arestuhin kundi upang paalalahanan na marapat nang ayusin ang lisensiya ng aking baril.
Palibhasa’y paika-ika na rin kung maglakad, kinausap ko naman ang hepe ng naturang police station upang ideposito ang aking baril habang nilalakad ang renewal ng lisensiya. Kung hindi ko ito maisasagawa, ipauubaya ko na lang sa PNP ang baril bilang isang responsableng gun owner.
-Celo Lagmay