NANINIWALA si Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas na isang malapiyestang selebrayon ang magaganap sa pagtatanghal ng 30th Southeast Asian Games sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Sinabi ni Vargas na mabibigyan ng pagkakataon ang lahat na magpakitang gilas dahil sa dami ng events na inaprubahan ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) na umabot sa 520 mula sa 56 sports.
Ayon sa POC chief, hindi ito ang pangkaraniwang biennial meet na kung saan ang mismong host country ay hindi isasama ang mga events kung saan sila hindi magaling.
Kahit mga sports na hindi inaasahang aangat ang mga atletang Filipino ay inaprubahan pa rin ng PHisgoc upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang mga atleta na ipakita ang kanilang galing.
"Essentially, this is why it will go down in the history of sports as the SEA Games, that will develop friendship, inclusiveness and camaraderie," pahayag ni Vargas.
Nakahanda na rin ang Philippine Sports Commission (PSC) na gawin ang pinakamahalagang papel sa pagsasagawa ng SEA Games sa bansa, kung saan sila mismo ang mamahaalaa sa pagpapalabas ng anumang halaga para sa gastusin sa nasabing event na kukunin sa inilaang P7.5 bilyon ng gobyerno.
Una nang sinabi ni PSC chief William Ramirez na pagtutuunan niya ng pansin ang anumang bagay na may kinalaman sa pagpapalabas ng budget para sa biennial meet.
Sinabi rin ni Ramirez na hindi niya hahayaan na magkaroon ng masamang pamamahala pagdating sa budget ng SEA Games upang maiwasan ang aberya lalo na Commission on Audit (COA).
"We will disburse fund in accordance to the government accounting rules," ayon kay Ramirez.
Samantala, kaugnay ng opening ceremonies ng nasabing biennial meet, target umano ng mga local organizers na gawing guest performer ang sikat na mang-aawit sa Hollywood at Fil-Am na si Bruno Mars.
Kasalukuyan na nakikipag-ugnayan ang mga nasabing local organizers sa management ng sikat na singer na suki sa pagtatanghal sa half time show ng Super Bowl at pamosong Victoria Secret’s fashion line. AnnieAbad