UMULAN man o umaraw, walang makapipigil sa magilas na ratsada ng Obra Maestra.
Sa isa pang pagkakataon, sa kabila nang maulan na kondisyon ng panahon sa bisperas ng Bagong Taon, hataw ang Obra Maestra para tanghaling kampeon sa 2018 Juvenile Championships nitong weekend sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.
Nakipagsabayan ang two-year old filly ni businessman Sandy Javier Jr. sa 11 karibal bago rumatsada nang matantya ang lakas ng mga kalaban sa huling 400 metro tungo sa dominanteng panalo – ikatlo sa taong 2018.
“Ngayon lang din naman mapapasabak ng maramihan ‘yung kabayo ko, kaya kina-kalkula ko. Pero nu’ng naramdaman ko sa half mile na medyo kaya ko na siya, tinitignan ko na lang ‘yung nasa harapan ko kaya para ‘di masyadong mabigyan ng pressure. Kaya pagdating po ng home stretch, sabi ko na kaya ko na itong last 400 meters,” pahayag ni jockey JB Guce.
Bunsod ng panalo, napatunayan ni Guce ang kahandaan ng alaga sa pagsalang sa mas malalaking karare sa 2019, kabilang ang Triple Crown.
“Puwede na po ‘yan sa Triple Crown, hasang-hasa na,” aniya.
Naibigay ng Obra Maestra, nagwagi rin sa P2-million 2018 Philracom Juvenile Fillies Stakes nitong Nobyembre, sa amo ang premyong P1.5 million mula sa kabuuang P2.5 million na ipinagkaloob ng Philippine Racing Commission. Nakamit din ni Javier ang P75,000 breeder’s prize.
Tinanggap din ni Javier, kasama ang maybahay na si Karen, ang Juvenile Championship trophy mula kina Philracom Commissioner Victor Tantoco at Philippine Racing Club Inc. Racing Manager Antonio Alcasid. Tinanggap naman ni Richard Tupas ang trainer’s award para sa ama na si Ruben.
Sumegunda ang Full of Grace (jockey MA Alvarez, owner Alfredo R. Santos) para sa premyong P520,500, kasunod ang My Jopay (CP Henson, Moises B. Villasenor) para sa P312,500 at Lady Mischief (KB Abobo, SC Stockfarm) para sa P125,000.
Nalaglag sa ikalimang puwesto ang Forest Cover, 2nd leg winner ng Philracom Juvenile Colts Stakes Race, sa karera na may distansiyang 1,600 metro.
Ang iba pang mga nagwagi sa huling programa ng Philracom sa taong 2018 ang AZAP (Race 1), Misha (Race 2), Aim Thirty One (Race 3), Yosemite (Race 4), War Dancer (Race 5), Always On Time (Race 7), Hail Storm (Race 8), Universe (Race 9), Beautiful Star (Race 10), Nostradamus (Race 11) at Native American (Race 12).