SA unang linggo ng taon, iniisip ng mga tao kung ano ang dapat na asahan sa presyo ng langis. Magsisimula na bang tumaas ang presyo sa mga gasolinahan ngayon na magsisimula na ang gobyerno na mangolekta ng bagong dagdag na buwis na P2.24 kada litro? O ipagpapaliban muna ng mga kumpanya ang pagpapataw ng mas mataas na presyo, 15 hanggang 30 araw mula ngayon, hanggang sa maubos ang kanilang mga dati nang imbak?
Noong nakaraang taon, nang magsimulang tumaas ang inflation sa pinakamataas nitong lebel sa mga nakalipas na taon—naramdaman ito ng publiko sa pamamagitan ng paglobo ng mga presyo sa merkado—na isinisi ng pamahalaan sa tumataas noon na pandaigdigang presyo ng langis. Gayunman, hindi maitatanggi na ang bagong taripang ipinataw ng pamahalaan sa mga angkat na langis—P2 kada litro—ay isang pangunahing salik. Ang dalawang salik na ito na sinamahan pa ng manipulasyon sa presyo sa mga pamilihan na naglukluk sa 2018 na isang napakahirap na taon para sa mga ilaw ng tahanan na may limitadong kita.
Sa pagpalo ng inflation sa 6.7 porsiyento noong Setyembre, naisip ng pamahalaan na ipagpaliban muna ang koleksiyon ng P2 kada litrong buwis sa gasolina sa kasunod na taon. Ngunit nagsimula namang humupa ang pandaigdigang presyo matapos ang Setyembre at unti-unti na ring bumaba ang lokal na presyo. Kaya nagdesisyon ang pamahalaan na ipagpatuloy na ang koleksiyon ng P2 buwis para ngayong 2019.
Sa kabila nito, pinaalalahanan ng pamahalaan ang mga kumpanya ng langis sa bansa, na hindi nila maaaring itaas agad ang presyo ng gasolina; kailangan nila itong hintayin hanggang sa maubos ang kasalukuyan nilang imbak sa loob ng 15 hanggang 30 araw.
Pinapatawan na ngayon ang mga bagong angkat na diesel, gasolina, kerosene at iba pang produktong petrolyo ng P2 taripa dagdag pa ang 24 na sentimos sa Value-Added Tax (VAT). Anong oras ngayon, asahang mag-aanunsiyo ang mga kumpanya ng langis na naubos na ang kanilang mga imbak kaya naman idadagdag na nila ang P.2.24 kada litro sa kanilang presyo.
Hanggang paalala lamang ang magagawa ng mga opisyal ng pamahalaan laban sa “premature price increases” kapag natapos na ang 15-30 araw, magiging natural na resulta na lamang ng panibagong P2.24 kada litro ang dagdag na presyo.
Kinakailangan ng pamahalaan ng pondo para sa mga sarili nitong operasyon gayundin sa mga proyekto nito tulad ng mga bagong kalsada at tulay, bagong paliparan at pantalan, bagong mga pampublikong gusali, at iba pa---dahilan kung bakit kailangan na mangolekta ng buwis mula sa mga operasyong pangnegosyo, corporate at income tax, at ang iba pang mapagkukunan ng kita ng pamahalaan. Nagpatupad ang TRAIN law ng bagong taripa sa langis na wala naman dati, at ito ang naging bagong pasanin sa mga Pilipino sa pamamagitan ng mas mataas na presyo ng mga pagkain at iba pang bilihin sa merkado.
Maaari lamang tayong umasa na ang mga pagtaas sa presyo ng mga bilihin ngayong taon ay hindi sisirit tulad ng nangyari noong 2018. Kailangan ding maging sensitibo ng ating mga opisyal sa mga kaganapan sa pandaigdigan at lokal na merkado lalo’t nakakaapekto ito sa lokal na presyo at ang agarang aksiyon kung sakaling hindi na makayanan ang mga presyong ito.