NANG ipasara ang Boracay dahil, ayon sa paglalarawan dito ni Pangulong Duterte, maitutulad na sa imburnal ang tubig sa isla, ay umabot na sa 100 MPN (Most Probable Number) per 100 milliliters ng tubig ang fecal coliform bacterial level nito, sinabi noong nakaraang linggo ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu.

Ang antas ng coliform sa tubig ng Manila Bay ay umabot na sa 350 MPN per 100 milliliters, sinabi ni Secretary Cimatu nang ihayag niya na reresolbahin na ng DENR – sa wakas – ang problema na pinag-ugatan ng desisyon ng Korte Suprema may 10 taon na ang nakalipas.

Sinabi ng kalihim na magtatatag ang DENR ng apat na Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa baybayin ng Manila Bay – sa Maynila, Navotas-Malabon, Pasay-Parañaque, at Las Piñas – upang tutukan ang paglilinis sa lawa na nakatakdang simulan sa susunod na taon. Sasaklawin nito ang pinakamaruruming bahagi ng lawa, ang mga lugar na malapit sa mga siyudad sa Metro Manila.

Hindi masyadong marumi ang mga baybayin sa Bataan, Pampanga, at Bulacan sa hilaga, at Cavite sa timog. Habang umuusad ang paglilinis sa lawa, asahan natin ang masusing monitoring sa tubig, kabilang ang nasa mga nabanggit na lugar.

Isinara ang Boracay dahil masyado nang kinulapulan ng polusyon ang tubig nito mula sa mga hotel, restaurants, at iba pang establisimyento na tumatanggap sa milyun-milyong turista. Nagsimula na nitong ipakita ang hindi magandang mukha ng Pilipinas sa mga dayuhang bisita sa bansa at kailangan nang buong paninindigang aksiyunan ni Pangulong Duterte ang pagpapasara rito sa loob ng anim na buwan.

Matagal nang nakumpirma ang suliranin sa polusyon sa Manila Bay, at taong 2008 nang inatasan ng Korte Suprema, batay sa reklamo ng isang grupo ng mamamayan, ang 13 ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ng DENR “[to] to clean up, rehabilitate, and preserve Manila Bay, restore and maintain its waters to make them fit for swimming, skindiving, and other forms of contact recreation.”

Walang mahalagang naisakatuparan sa sumunod na 10 taon simula nang ilabas ng Korte Suprema ang utos nito. May mga lokal na ordinansang nagbabawal sa paglangoy sa maruming tubig ng lawa, habang nagsasagawa ng regular na paglilinis sa baybayin ang iba’t ibang grupo upang hakutin ang tone-toneladang plastik at iba pang mga basura na nagmumula sa mga bayang nakapaligid sa lawa.

Ngayon lamang umaksiyon ang DENR, sa naging pahayag ni Secretary Cimatu na ipatutupad na nito ang utos ng Korte Suprema noong 2008 upang linisin at isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay. Subalit tanging ang DENR sa 13 ahensiya ng gobyerno ang tumugon sa utos ng Kataas-taasang Hukuman.

Ang malaking bahagi ng dumi sa Manila Bay ay nagmula sa mga kanal na umaagos sa Pasig River at sa iba pang daluyan sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan. Ang apat na bagong community center ng DENR ang regular na magmo-monitor sa fecal coliform level sa Manila Bay simula sa susunod na taon, subalit mistulang bumaba ang antas ng polusyon sa lawa hanggang hindi naipatitigil ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapagos dito ng mga basura, kasama pa ang milyun-milyong kabahayan sa Metro Manila na walang maayos na waste treatment facilities.

Sa kabuuan, ang plano ng DENR ay isang napakagandang simula na karapat-dapat na bigyan ng pagkakataon.