HALOS kasabay ng matinding pahayag ni Pangulong Duterte hinggil sa pagpapaigting ng paglipol sa illegal drugs, nadiskubre naman ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang sinasabing laboratoryo ng shabu sa isang kilalang subdivision sa San Juan City. Parang pinagtiyap na pagkakataon na ang naturang pahayag ay naglantad sa katotohanan na talagang talamak pa ang ipinagbabawal na droga; at naglipana pa ang mga drug lords na maaaring nagpapakilos sa nasabing mga laboratoryo.
Dahil dito, hindi maiaalis na hindi lamang ang ilang subdivision kundi maging karaniwang mga lugar ang ginagawang shabu laboratory. Ang ganitong mga operasyon ay hindi man lamang kaya naaamuyan, wika nga, ng ating mga mamamayan, lalo na ng mga opisyal ng local government units (LGUs)? Nagbubulag-bulagan kaya ang ating mga alagad ng batas na hindi malayong kasabuwat sa gayong kasumpa-sumpang paggawa at pagpapalaganap ng illegal drugs? Biglang sumagi sa aking utak ang isang malaking drug laboratory sa Arayat, Pampanga na tila hindi kaagad pinansin ng mga awtoridad.
Kapani-paniwala na dahil sa patagong operasyon ng nasabing mga laboratoryo, hindi maubus-ubos ang suplay ng shabu; at lalong lumolobo ang bilang ng mga sugapa sa bawal na droga; dumarami ang mga napapatay na sinasabing nanlalaban sa mga awtoridad kapag sila ay nasusukol sa umano’y mga drug den. Ang ganitong mga eksena ay ipinagkikibit-balikat naman ng mga kritiko ng administrasyon, lalo na ng mga nangangalandakang tagapagtanggol ng mga karapatang pantao.
Hindi rin maiaalis na ang pagdagsa ng supply ng illegal drugs ay bunsod ng daan-daang kilong hinihinalang shabu na nakalusot (o pinalusot) sa Bureau of Customs (BoC) kamakailan. Bagamat ang nasabing bawal na droga na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso ay inimbak sa ilang bodega sa Metro Manila at kalapit na lalawigan, malakas ang aking kutob na ang mga ito ay ibinyahe na rin sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Dahilan ito ng kapuna-punang pagdagsa ng naturang droga na ngayon ay mabibili na sa murang halaga; dahilan, siyempre, ng paglipana ng mga adik na nagiging panganib sa mga komunidad.
Kung hindi malilipol ng ating mga awtoridad ang mga shabu laboratory, pati ang talamak na shabu smuggling, malabong matuldukan ng administrasyon ang problema sa illegal drugs; at halos imposibleng ganap na mapuksa ang pagkagumon sa bawal na droga. Ang matinding hamon ay nakaatang sa balikat ng ating libu-libong pulis at sundalo – at ng LGUs – na kailangang matapat na tumango sa anumang kumpas ng Pangulo.
-Celo Lagmay