UP Maroons, asam ang ‘do-or-die’; selebrasyon, nakahanda na sa Ateneo

Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

11:00 a.m. – FEU vs NU (Women Finals)

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

3:30 p.m. – Ateneo vs UP (Men Finals)

KALIMUTAN ang pulitika. Iwaksi ang panawagan para sa personal na agenda.

Maghanda sa mas madamdamin at hitik sa aksiyon sa Game 2 ng best-of-three title series sa pagitan ng University of the Philippines at Ateneo de Manila sa Season 81 Finals ngayon sa Araneta Coliseum.

Higit pa sa panawagang itim na kasuutan ang kailangan ng Fighting Maroons upang maipuwersa ang ‘winner-take-all’ at bigyan buhay ang pag-asa na makaukit ng kasaysayan sa premyadong collegiate league.

Naghihintay sa sagupaan sa ganap na 3:30 ng hapon ang mas kumpiyansang Blue Eagles na magtatangkang makumpleto ang dominasyon para sa makasaysayang back-to-back title.

Asahan ang dagundong ng kasiyahan at pagbaha ng luha sa itinakdang “Battle of Katipunan”.

Sa pampaganang laro, target ng National University Lady Bulldogs na makamit ang bagong pedestal ng tagumpay sa pakikipagtuos sa Far Eastern University Lady Tamaraws ganap na 11:00 ng umaga.

Nakalapit ang Blue Eagles sa asam na back-to-back titles matapos igupo ang Maroons, 88-79, sa Game 1.

Sa pangunguna nina Thirdy Ravena at Matt Nieto, kumpiyansa si coach Tab Baldwin sa tagumpay ng Ateneo.

“We can’t expect anything less on Wednesday from them. We have to expect a lot more from our defense on Wednesday,” ani Baldwin.

Hindi naman kinakitaan ng pagsuko, bagkus higit na naging palaban ang Maroons matapos ang Game 1.

“Very positive ako. Ito ang totoo,” pahayag ni UP coach Bo Perasol.

“Game 1, it gave us the idea na beatable ‘yung Ateneo. Before, wala namang nagbigay nang tsansa sa amin e. Dati, parang, ‘Okay, very good, UP,’ pero wala namang nagsasabing tatalunin namin ang Ateneo. Kung meron man, lip service lang yun, pero ito, naramdaman nila na kaya pala.”

“Before this series, iniisip mo paano tayo mabubugbog dito. Ngayon, ang paniniwala na namin is we can compete with the defending champions if we put our minds into it and we keep doing what we have been doing this season,” aniya.