Nasa 6.1 porsiyento ang naitalang pagsigla ng ekonomiya sa third quarter ng taon, sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority (NEDA) Director-General, Dr. Ernesto Pernia.

Naitala sa 6.1 porsiyento ang ekonomiya ng Pilipinas noong Hulyo hanggang Setyembre, batay na rin sa gross domestic product (GDP) ng bansa.

Humina ito mula sa 6.2 porsiyento na naitala sa ikalawang quarter ng 2018, at 7.2 porsiyento sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

<b>Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina</b>

Ayon kay Pernia, nasa pagitan sana ng 6.5%-7.0% ang paglaki ng GDP ng bansa, kung hindi tumaas ang inflation.

Nauna nang naiulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nananatili pa ring matatag ang inflation ng bansa sa 6.7%, na mas mataas sa puntirya ng pamahalaan na 2.0%-4.0%.

Ang pagtaas ng inflation ay nagresulta naman sa paghina ng paggastos ng mga pamilya sa naitalang 5.2%, mula Hulyo hanggang Setyembre, ang pinakamababang mula nang maitala ang 5.0% sa third quarter ng 2014.

-Chino Leyco