NITONG nakaraang linggo, mapalad tayo na makabilang sa media na naimbitahan ng Yamaha Motor Philippines, Inc. (YMPH) na masaksihan ang Asian Road Racing Championship (ARRC) sa Sentul, Indonesia.

Medyo may kalayuan ang Sentul sa Jakarta, ang sentro ng naturang bansa, subalit dinarayo pa rin ito ng mga motorcycle enthusiast. Mahigit isang oras ang biyahe dahl sa trapik.

Subalit namulat ang aking mga mata sa rami ng motorsiklo sa maraming lugar sa Indonesia. Walang sandaling nakalipas na hindi ka nakakita ng motorsiklo.

Kapansin-pansin din ang dami ng Grab at Go-Jek motorcycle taxi sa lugar kung saan halos bawat kanto ay may nakatambay na unit nito, naghihintay ng pasahero.

Ito ay nagpapakita lamang na bahagi na ng buhay ng mga Indonesian ang motorsiklo dahil sa kakulangan ng mass transport system.

Doon namin nasilayan ang malalaking pundasyon na pagtatayuan ng overhead train system. Bigla ko tuloy naalala ang ‘Pinas kung saan ngayon pa lamang nagkukumahog upang makapagpatayo ng mass transport system kaya’t nagkakabuhul-buhol ang daloy ng mga sasakyan.

Sa Indonesia, malaking industriya ang motorcycle taxi. Kung wala nito, marahil ay kahalintulad din ng mga pobreng Pinoy na mamuti na ang mga mata dahil sa paghihintay ng masasakyan tuwing umaga.

Tulad sa ‘Pinas, marami ring mga ‘kamote rider’ sa Indonesia na pasaway kung magmaneho ng motorsiklo sa lansangan.

Singit dito, singit doon. Sa awa ng Diyos, sa limang araw na pamamalagi ko sa Sentul at Jakarta ay wala akong nakita o nasaksihang aksidente na may kinalaman sa motorsiklo.

Ayon sa ilang opisyal ng Yamaha, malakas ang benta ng motorskilo sa Indonesia.

Kung ang Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA) na kinabibilangan ng ‘Big Four’ Japanese manufacturers at isang Taiwanese company ay tuwang-tuwa na sa P1.5 million total sales volume noong 2017, ito ay katumbas lamang ng halos isang buwang total sales sa Indonesia.

Kaya’t hindi na kataka-taka kung bakit bumabaha ng motorsiklo doon.

Napansin din namin na ang mga motorsiklo roon ay halos walang mga ‘borloloy’ o ‘yung mga itinuturing na walang silbing palamuti.

Ito’y patunay na ang motorsiklo ay sadyang pang-negosyo o araw-araw na sasakyan at hindi nila itinuturing na pamorma lang.

Sa mga pangunahing siyudad ng Indonesia, ang motorskilo ay karaniwang dumaraan sa loob ng itinalagang motorcycle lane.

Doon sila dumaraan na tila walang katapusang convoy.

Ang motorsiklo doon ay may plaka sa harap at likurang bahagi nito.

Ganu’n din kaya ang kahihinatnan ng mga motorskilo dito sa ‘Pinas?

-Aris Ilagan