Sa kabila ng iba’t ibang reaksyon ng mga Pilipino sa pagpapatupad ng Commission on Elections (Comelec) sa online voting, kasado na sa Abril 13, 2025 ang kauna-unahang pagkakataon na boboto ang mga Pinoy na nasa abroad nang walang kaharap na papel at panulat.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dir. Ian Michel Geonanga, Direktor ng Office for Overseas Voting (OFOV) ng Comelec, nilinaw niya ang mga bagay na dapat umanong malaman ng taumbayan hinggil sa implementasyon ng online voting.
Bakit ipinatupad ang Online Voting?
Ayon kay Geonanga, pinagbatayan umano ng komisyon ang mga sitwasyong piangdaraanan ng mga botanteng Pilipino, sa tuwing sumasapit ang Eleksyon.
“Regarding why the commission has decided to pursue internet voting this elections is actually based siya sa lahat ng mga naging experiences ng ating mga kababayan abroad in the past elections. So we were always finding ways para mas mapadali and ma-simplify din yung process for them. Kasi even if we are aware na one month yung period for overseas voting, ang dami pa rin challenges na nai-encounter ng mga overseas Filipinos natin,” ani Geonanga.
Paglilinaw niya, bagama’t isang buwan umano ang palugit sa mga Pinoy na nasa abroad na makaboto, marami pa rin daw sa kanila ang hindi nakakaboto dahil sa layo ng mga embahada at konsulada, sa oras ng kanilang trabaho at iba pa.
“Hirap yung mga kababayan natin pumunta sa embassies and consulates to vote. Kahit isang buwan yung period, hindi naman din sila everyday available to vote. Kasi syempre, a lot of them, yung reason why our Filipinos are abroad is really to find work. So may work sila during that time. And yung weekends may not even be enough for them to go or travel to the embassies or consulates just to vote,” saad ni Geonanga.
Lahat ba ng Pinoy sa abroad ay maaaring bumoto online?
Bagama’t mas naging accessible umano ang pagboto ng mga Pinoy sa pamamagitan ng online voting, inihayag ni Geonanga na kinakailangan pa ring lehitimong rehistradong botante ang isang Pilipino, bago siya makapag-enroll sa voting website ng Comelec.
“So tulad ng elections dito sa local, pag overseas voting, kailangan mo rin magparehistro. So, meron tayo, nakapublish na actually yung certified list of overseas voters natin sa website ng Comelec. Makikita ng mga kababayan natin doon if rehistrado ba sila or hindi pa sila na-deactivate. So, yun, kung sino yung mga nakalista doon, sila lang yung qualified to vote. So, for internet voting, sila lang din yung qualified to enroll. So, sa internet voting, yun yung first step,” aniya.
Ano ang pinagkaiba ng enrollment at voter’s registration?
“So, ang ginagawa lang sa enrollment, bini-verify yung identity nung botante kung rehistrado talaga siya. Mina-match nung system, yung pangalan mo, magpi-present ka ng ID at yung mukha mo, imimatch niya doon sa database naman ng Comelec. Tapos kapag nakita na registered ka, pwede ka nang bumoto,” anag direktor ng OFOV.
Pwede bang lumipat ng ibang bansa ang mga botante Pinoy abroad?
“So as long as you're outside the Philippines, kahit for example, registered ka sa Singapore, which is gagamit ng internet voting. Tapos during the voting period, nasa US ka or nasa ibang bansa, pwede mo siyang ma-access. Pero yung bottom of course, mabibilang sa Singapore kasi doon yung presinto mo kung saan ka-register. So kahit saan ka outside the Philippines, pwede kang mag-enroll kasi naka-geolock yung enrollment portal natin. So kapag sumaktong umuwi sila sa Pilipinas,hindi po sila makaka-enroll. Hindi nila ma-access yung website dito sa Philippines,” ani Geonanga.
Binigyang linaw din ng Comelec ang seguridad ng online voting na siyang agam-agam ng ilang mga botanteng Piilipino.
Ani Geonanga, encrypted ang data ng mga botante na siyang protektado ng apat na magkakaibang servers kung saan dalawa sa mga ito ay hosted umano ng Amazon Web Services habang ang dalawa naman ay Philippine based.
Dagdag pa niya, “Yung apat na yun, they mirror each other. So, kapag meron mang any anomaly or merong hindi magtugma, [kung] may mag-try mag-hack sa kahit isang server na yun, madali natin makikita kasi 24/7 din yung monitoring natin dun sa mga servers. At, matsi-check agad. Kasi nga, kung hindi man mag-match, ‘di ba? Or meron mang nag-try na mag-intrude.”
Kaugnay naman sa petisyon ng ilang mga abogadong sa Korte Suprema hinggil sa pagpapatupad ng overseas online voting, sagot ni Geonanga, “We are ready to implement in case the Supreme Court would actually render a TRO. Pero yung magiging effect, syempre kung kunwari nag-start na yung voting, mababawasan yung voting period ng mga botante. Kasi kung sinabi ng Supreme Court na hindi nga i-allow yung internet voting, then it is a question din for us kung yung mga nakakaboto na ba, papaulitin ba silang bumoto.”
KAUGNAY NA BALITA: Torreon, iba pang abogado nagsumite ng petisyon laban sa ‘online voting’ sa eleksyon
Hiningi naman ng Comelec ang suporta ng taumbayan at muling iginiit ang kanilang hangarin sa pagpapatupad ng makabagong paraan ng pagboto.
“With any change, it might always be uncomfortable at first. Pero yung commitment ng Comelec is sinasabi namin hindi tayo nag-implement ng internet voting just because bago siya or gusto nating masabi na yung Comelec ay laging pioneer. No, hindi yun yung main reason. Effect na lang siya. Yung main reason why we're doing it tulad na nabanggit ko kanina is because we are finding solutions doon sa mga nai-encounter na problema or challenges ng mga kababayan natin abroad sa pagboto abroad to work,” saad ni Geonanga.