Tiniyak kahapon ng ilang grupo ng motorcycle riders na hindi makatitikim ng boto nila sa susunod na taon ang tatlong konsehal ng Caloocan City kung ipipilit ng mga ito na maipasa ang panukala para sa “riding-in-tandem” ordinance.
Ito ang banta ng mga miyembro ng Riders of the Philippines (ROP) at Motorcyle Rights Organization (MRO) laban kina Councilors Rose Mercado, Marilou Nubla at Christopher Malonzo.
Paliwanag ng grupo, ang mga nasabing konsehal ang may akda ng Proposed Ordinance 18-136, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang dalawang lalaking hindi magkamag-anak na magkaangkas sa motorsiklo.
Kahit pa magkamag-anak, kailangan muna nilang magpakita ng dokumento kung ang magkaangkas ay magkapatid, magpinsan o mag-ama.
Hindi naman sisitahin ang nakamotorsiklo kung babae ang angkas, o babae ang rider at lalaki ang angkas.
Sa ilalim ng mungkahing ordinansa, magmumulta ng P500 hanggang P5,000 ang lumabag, o pagkakakulong ng 10-60 araw.
Matatandaang sinugod ng daan-daang miyembro ng riders’ group ang Sangguniang Panglungsod nitong Biyernes bilang pagtutol sa nasabing panukala.
Anila, may diskriminasyon umano sa kanilang grupo ang nasabing panukala, at sa halip na Philippine National Police (PNP) ang magresolba sa problema sa mga krimen na isinisisi sa riding-in-tandem ay mga motorcycle riders ang naaapektuhan.
Sinabi naman ni Mayor Oscar Malapitan na hihimayin ng Legal Department ang nasabing ordinansa, at pag-aaralin kung paano ito pagtitibayin nang walang naapektuhang sektor o grupo.
-Orly L. Barcala