USUNG-USO na talaga ang dalawa lang ang karakter sa mga pelikula, trend na sinimulan ng indie film na That Thing Called Tadhana (2014) nina JM De Guzman at Angelica Panganiban, na kumita nang hindi inaasahan.

Fift, Alex, Jerald at Joj

Sinundan pa ito ng Kita Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez, na limpak-limpak ang kinita. Dumami na rin ang sumulat at nag-produce ng ganitong klase ng formula, tulad ng Love You To The Stars and Back (2017), 100 Tula Para kay Stella (2017), Last Night (2017), Mr and Mrs Cruz (2018), Never Not Love You (2018), Meet Me In St. Gallen (2018), The Day After Valentines (2018), at Sid & Aya (2018).

Heto, may bagong direktor na gustong subukan din ang kakayahan niyang magsulat at magdirek ng pelikula na pareho ng konsepto ng mga pelikulang nabanggit, ang Nakalimutan Ko Nang Kalimutan Ka ni Fifth Solomon, na pinagbibidahan nina Alex Gonzaga at Vin Abrenica.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

Base sa trailer ng pelikula ay may promise naman ito dahil sabi nga ni Direk Fifth, iba ito sa mga nabanggit na pelikula.

“Hindi the usual formula, may dramatic na pag-angal. Makare-relate (ang manonood) kasi realistic. Sa ending po pag-iisipin ka, unexpected sa ending. Tapos ‘yung movie po naming, realism at may halong fantasy.

“Kung may clinic na magtatanggal ng puso mo, ipatatanggal mo ba ang puso mo para mawala na rin ang sakit at mga alaala? Ganoong tipo po.

“Kasi minsan ginawa na nating lahat para mag-move on tayo, nag-Tinder na tayo, nag-soul searching na sa Korea, food tripping, naglasing pero hindi pa rin nating makalimutan ‘yung taong minahal natin. Kaya kung tatanggalin ang puso mo, ipapatanggal mo ba? Ayan may mga symbolism.”

Dahil napag-usapan din lang kung paano ang mag-move on ay natanong ang cast ng Nakalimutan Ko Nang Kalimutan Ka tungkol dito.

“Siguro kinakalimutan hanggang sa dulo nakalimutan na,” sabi ni Alex.”Kasi meron akong paniniwala na sometimes you have to fake it till you make it. Iko-convince mo ‘yung sarili mo na masaya ka, iko-convince mo ‘yung sarili mo na nakalimutan mo na siya kahit hindi pa. Lagi mong ire-remind sarili mo to move on. Move on, maging masaya, at kalimutan mo na. Tapos one day gigising ka, hindi mo na kailangan mag-effort kasi totally nakalimutan mo na talaga, and wala ka nang feelings.”

“’Yung communication, ‘yung pagputol ng communication. If you want a concrete tip, ‘yun ‘yun,” sabi naman ni Jerald Napoles. “Wala muna kayong communication dun sa other person. Gawa muna kayo ng time sa sarili n’yo tapos leave the next time for closure.

“Para sa akin made-describe ko talaga ‘yung sugat, masakit ‘yun, eh. Habang pinagdadaanan mo. ‘Pag naghilom siya, mas matatag na ‘yung parte ng balat na nasugatan na ‘yun, pero merong marka ng sugat. So there’s still a little part of you na ibinigay mo at part of the other person na ibinigay niya. So, hindi mawawala ‘yun. Mula nu’ng pumasok kayo sa buhay ng isang tao, at pumasok ang isang tao sa buhay n’yo, merong matitirang parte,” dagdag pa ni Jerald.

Para naman kay Joj Agpangan: “Always remember self-love. Kasi if hindi ka talaga magtitira sa self mo, walang maiiwan sa ‘yo. Ikaw talaga ‘yung kawawa sa dulo. Self-love is really important. It’s not selfish but it’s important.

“For me, you should never stop trying maka-forget. For example, sa ex mo nag-hold on ka kasi masaya kayo at that time, (maraming) good memories. Pero dapat i-mindset mo na kailangan ikaw magiging better ka ba with him? So, dapat i-condition mo yourself para maka-forget. Kinakalimutan mo it’s because it’s best for you and it’s the right decision.”

“I’m very religious so, I pray about it. Parang combination siya ng ano ni Lord at saka ng decisions mo,” punto naman ni Keiko Necessario. “Ibibigay naman Niya ‘yung choices, na sa ‘yo ‘yung pakikinggan mo. Sa akin ganun lagi. Mahirap kasi ako makalimot kasi never pa ako nagka-boyfriend, as in NBSB (no boyfriend since birth) kasi I’m waiting for the right one and I think there’s nothing wrong with that.

“Pero na-in love na ako. Siguro tatlong beses akong nagmahal talaga and pinakamasakit siguro for me three years ago ‘yun ‘yung kailangan i-remind mo ‘yung sarili mo na kailangan mong makalimot. You have to let go talaga para mas ma-forgive mo ‘yung nangyari sa inyong dalawa, ma-forgive mo ‘yung sarili mo, it’s all about the process of healing and you have to acknowledge your emotions as well.

At siyempre, ano naman ang moving on para kay Direk Fifth?“Mahirap talaga mag-move on. Sobrang sakit siya, eh, lalo na ‘pag nasanay ka tapos isang araw wala na. Ang ginagawa ko nililibang ko na lang ‘yung sarili ko sa trabaho, lumalabas ako, nagsa-shopping, ganun. ‘Yung nanakit kasi sa akin sa Australia naman, so mahal, hindi ko na hinabol, may visa pa eh,” kuwento niyang natatawa. “Tinanggap ko na lang kaysa mapagastos pa. Kailangan libangin mo lang ‘yung sarili mo at saka tanggapin mo na kailangan mo na kalimutan.”

Wala sa mediacon ang ibang kasama sa pelikula tulad nina Vin, Rufa Mae Quinto at Candy Panglinan.

Mapapanood na ang Nakalimutan Ko Nang Kalimutan Ka sa Setyembre 19 mula sa Wilbros Films.

-REGGEE BONOAN