HALOS magkasabay na ipino-promote ang The Trigonal ng Cinefenio Film Studios, RSVP Film Studios at Viva Films, at ang Tres ng Imus Productions na magkasunod na linggo ang playdates, sa September 26 ang una at October 3 naman ang huli.Kung parehong papatok sa takilya, maaaring magsilbi itong hudyat sa panunumbalik ng dating sigla ng Tagalog action films.

Monsour, Ian at Rhian copy

Ilang dekada nang nawawala ang action genre sa local entertainment industry. May ilang action filmmakers nang sumubok uling gumawa pero hindi na katulad nang dati ang pagdumog sa mga sinehan ng mga barakong mahihilig sa bakbakan films.

Namamasdan na sa rom-com o hugot movies na rin sila nanonood, karay ng kani-kanilang lovey-dovey. At siyempre pa, sa ginastusan nang hustong foreign action/superhero movies na pawang CGI (computer generated images) na.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

Pero hindi sumusuko ang local action stars/filmmakers/producers. Patuloy nilang hinahanapan ng tamang mga kombinasyon ang Tagalog action movies na magugustuhan ng Pinoy audience.

Kaya three-in-one ang Tres na pinagbibidahan ng magkakapatid na Jolo, Luigi, at Brian Revilla.

May foreign element naman ang Trigonal na bida ang theater actor at Taekwondo blackbelter na sina Ian Ignacio, Monsour del Rosario, Rhian Ramos, Epy Quizon, Christian Vasquez at Sarah Chang.

Target ng producers na ipalabas din sa China ang The Trigonal na si Sarah Chang din ang action director. Impressive ang credentials ng American-Chinese na si Sarah na dumalo sa presscon ng pelikula nitong nakaraang weekend. Five-time USA national Wushu team member siya at nag-aral ng action stunts sa Jackie Chan Stunt training sa Tianjin at sa Central Academy of Drama sa Beijing.

Kahanga-hanga rin ang background ng kanilang scriptwriter/director na si Vincent Soberano, na eight-time Muay Thai champion at mixed martial arts (MMA) coach ng pinakamagagaling na UFC fighters sa China ngayon. Kaya hindi kataka-taka na tungkol sa retiradong champion ng MMA at karate na napilitang lumaban sa sindikatong pumasok sa kanyang bayan ang kuwento ng The Trigonal.Nakumbinsing magbalik-pelikula si Monsour after thirteen years dahil nagustuhan niya ang project.

Congressman ngayon ng first district ng Makati ang dating Taekwondo action star. Noong 2005 pa siya napanood sa Uno, ang huling pelikula niya with Ronnie Ricketts.

Maraming pinalampas na offers si Monsour, kasama na ang dalawang alok ng appearance sa FPJ’s Ang Probinsyano na hindi niya nagustuhan ang negatibong role na ibinibigay.

“Ang pangit naman, congressman ako sa Makati City ‘tapos protector pa ako ng drug lord sa Makati City. Sabi ko, ayoko ’yan. Sabi ko ’yung medyo positive,” pahayag ni Monsour.

Tumawag ulit sa kanya ang production pagkaraan ng ilang buwan na police general naman ang kanyang gagampanan. Pero protector uli ng drug lord kaya inayawan uli niya.

Pero kung hindi siya public servant, walang problema sa kanya ang pagganap bilang kontrabida. Mentor ng bida ang role ni Monsour sa The Trigonal kaya agad niyang tinanggap.Kaabang-abang ang magiging resulta sa takilya ng bawat local action movies na ipapalabas ngayon.

-DINDO M. BALARES