Pinaghandaan umano ni Senador Antonio Trillanes IV ang posibleng pag-aresto sa kanya simula nang ipawalang bisa ang kanyang amnesty.
Sa gitna ng mga usap-usapan na ilalagay siya sa kustodiya habang ang Senado ay sarado, inamin ni Trillanes, sa press briefing nitong Biyernes, na inimpake na niya ang kanyang gamit dahil sa posibleng pag-aresto sa kanya.
“Meron nang ganoon, kailangan ‘yon,” sagot ni Trillanes nang tanungin kung inihanda na niya ang kanyang mga gamit.
Sinabi rin ni Trillanes na maging ang kanyang pamilya ay nakahanda sa posibleng pag-aresto sa kanya.
“Fortunately or unfortunately, we’ve had worse experiences before that, in a way, prepared them for these things. Ayaw naman nating ma-expose o madamay pero talagang doon dinadala so kailangan malakas [sila]. So that’s what they’re doing,” pahayag niya.
Gayunman, nilinaw ng senador na ang nasabing “level of preparedness” ay sinimulan nang iisyu ni Pangulong Duterte ang Proclamation No. 572, na nagpapawalang bisa sa kanyang amnesty.
Ayon kay Trillanes, simula pa nitong Martes ay nakaririnig siya ng mga ulat na siya ay ikukulong sa kabila ng kawalan ng arrest warrant.
Muling iginiit ni Trillanes na hindi siya natatakot na makulong, matapos ikulong nang pitong taon dahil sa pamumuno sa 2003 Oakwood munity at 2007 Manila peninsula siege.
Samantala, tinawag ni Senate President Vicente Sotto III na “fake news” ang usap-usapan hinggil sa planong pag-aresto kay Trillanes anumang oras.
Pinabulaanan ni Sotto na aarestuhin si Trillanes sa Senate sa kabila ng kawalan ng arrest warrant.
“Ingat kayo sa fake news,” pahayag ni Sotto.
Kaugnay nito, nagdesisyon si Pangulong Duterte na hintaying mag-isyu ang regional trial court ng warrant of arrest laban kay Trillanes.
“Matapos ang mahabang talakayan nagdesisyon ang Presidente na he will abide with the rule of law. Aantayin niya ang desisyon ng hukuman ng regional trial court kung sila ay mag-issue ng warrant of arrest,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
“He will allow the judicial process to proceed and he will await the issuance of the appropriate warrant of arrest if there is indeed one to be issued before Senator Trillanes is arrested and apprehended,” dagdag niya.
-Vanne Elaine P. Terrazola at Genalyn D. Kabiling