BAGAMA’T mistulang natabunan ng nagdudumilat na balita tungkol sa pag-aresto kay Senador Antonio Trillanes IV, ang news report hinggil naman sa hinaing ng mga guro ay hindi dapat ipagwalang-bahala ng administrasyong Duterte. Tulad ng iba’t ibang sektor ng mga manggagawa na

nasayaran na ng mga biyaya mula sa gobyerno, ang ating titser ay marapat ding umasam ng dagdag na benepisyo na katumbas ng kanilang pagsusumikap sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon.

Dapat lamang asahan ang pananaghili ng ating mga guro – ang sektor ng government workers na malimit taguriang mga limot na bayani – sa kanilang mga kapuwa manggagawa na pinagkalooban ng katakut-takot na biyaya. Ang suweldo ng ating mga sundalo at pulis, halimbawa, ay dinoble ni Pangulong Duterte, isang pangyayari na ngayon lamang naganap sa kasaysayan ng pamamahala sa ating bansa. Mga benepisyo iyon na mistulang hulog ng langit.

Naniniwala ako na marapat lamang ang gayong ayuda sa ating mga alagad ng batas. Ang ating mga kawal ang laging nangangalaga sa katahimikan ng ating bansa laban sa mga manliligalig; ang mga pulis naman ang tumutugis sa mga kriminal na naghahasik ng karahasan sa mga komunidad, kabilang na ang mga sugapa sa illegal drugs na hanggang ngayon ay naglipana sa iba’t ibang panig ng kapuluan.

Dahil sa pagpapamalas ng kagandahang-loob ng administrasyon, sumulpot ang mga sapantaha na ang naturang mga alagad ng batas ay maaaring kasangkapanin sa pagdedeklara ng revolutionary government. Hindi kaya ito produkto lamang ng malikot na imahinasyon ng mga kritiko ng gobyerno?

Makabuluhan din ang misyon ng ating mga guro. Bukod nga sa pagpapataas ng uri ng pagtuturo, hindi lamang sila itinuturing na pangalawang ina o ama ng ating mga anak; sila ang humuhubog ng kaisipan at kinabukasan ng mga kabataan. Gumaganap din sila ng iba pang makatuturan at makabayang tungkulin na tulad ng pamamahala sa mga halalan.

Hindi dapat panghinayangan ang anumang benepisyo na dapat iukol sa ating mga guro. Naniniwala ako na hindi sapat ang kanilang sahod para sa kanilang pangunahing pangangailangan. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang ilan sa kanila ay mistulang nagiging tindera upang madagdagan ang kanilang kinikita.

Marapat lamang ang totohanang pagpapatupad ng Magna Carta for Teachers. At dapat madaliin ang pagsasabatas ng panukala na mangangalaga sa kalusugan ng mga titser – bill na isinusulong sa Senado.

Totoo na maaaring nananaghili ang ating mga guro sa pagkakaloob ng biyaya sa kapuwa nila mga lingkod ng bayan. Subalit natitiyak ko na ang kanilang pangingimbulo ay may lohika – makatuwiran lamang.

-Celo Lagmay