Isa pang puga sa Bacoor City Police Detention Center, na sinasabing isa sa mga utak ng jailbreak, ang naaresto ng awtoridad sa Parañaque City, nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat mula kay Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon Police Regional Office (PRO-4A), kinilala ang naarestong puga na si Jene Lloyd Bernabe, 23, ng Woodcrest Subdivision, Ligas 2, Bacoor.

Base sa ulat, naaresto si Bernabe sa compound ng Baclaran Church habang hinihintay ang kanyang kinakasama, dakong 11:00 ng gabi.

Dagdag pa sa ulat, minamanmanan na ng mga pulis-Bacoor ang dalawang babae, na hindi pinangalanan, dahil nakatanggap sila ng impormasyon na kikitain ng mga ito si Bernabe nang mabatid na nakatakas ito.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Nang makumpirma na makikipagkita na ang dalawang babae kay Bernabe tatlong araw matapos ang jailbreak, nagsagawa ng operasyon ang awtoridad.

"For information, we have already arrested one of the brains behind the jailbreak, identified as Jene Lloyd Bernabe," base sa report.

Nakasaad din sa ulat na matagal nang hinihikayat ni Bernabe ang mga kapwa niya bilanggo na bumuo ng plano para makatakas.

Gayunman, pinabulaanan ito ni Bernabe, ayon sa Bacoor police, at sinabing wala siyang intensiyon na tumakas.

Ayon kay Bernabe, sinamantala lamang niya ang pagkakataong makatakas sa jailbreak nitong Biyernes dahil "the opportunity already presented itself."

Si Bernabe ay unang inaresto noong Abril 2, 2018 para sa forcible abduction with rape charges.

Sa pagkakaaresto kay Bernabe, ang bilang ng mga naarestong puga ay umakyat na sa 15 sa ganap na 8:00 ng umaga nitong Martes.

Walo pang puga ang patuloy na tinutugis, kabilang na ang isa pa umanong utak sa jailbreak na si Ariel Villacampa.

-Martin A. Sadongdong at Beth Camia