DETERMINADO si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na bumaba sa puwesto sa 2019 kapag napagtibay na ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno sa bansa o ng sistemang pederal mula sa sistemang presidensiyal.
Tulad ng kanyang pangako noong
2016 presidential campaign, handa niyang iwanan ang panguluhan sa sandaling natupad ang kagustuhan niyang maging pederal ang sistema ng gobyerno sa Pilipinas mula sa pagiging presidential form.
Tiyempo ito para sa mga kritiko at kalaban sa pulitika ni Mano Digong na mula’t sapul ay hangad na paalisin o mapatalsik siya sa puwesto. Dapat ay kumilos sila at kumampanya para pagtibayin ng Kamara at ng Senado ang panukalang batas tungkol sa pederalismo. Sa mga kasapi ng oposisyon sa Kongreso, sumama na kayo ngayon sa Super Majority upang maipasa ang panukala sa pederalismo para mawala na sa Malacañang si Mano Digong. Kung hindi, hanggang 2022 pa siya.
Sa pagsasalita sa Davao City noong Biyernes, hiniling niya sa Kongreso at sa mga miyembro ng Consultative Commission (ConCom) na nagsagawa ng pagrepaso sa 1987 Constitution, na tiyaking ang bagong Pangulo ay naihalal na sa panahon ng transisyon mula sa presidential tungo sa federal system of governmet.
Badya ni PRRD: “Gawin ninyong Presidente lang ako hanggang 2019, at tatanggapin ko ito kung sa pamamagitan nito ay masisiyahan ang mga kritiko.” Idinagdag niyang maaangkin na ni VP Leni Robredo ang puwesto kung gusto niya. “Make my presidency co-terminus with the beginning of the new draft Constitution. Make me stop being president during the transition.”
Sabi ni presidential spokesman Harry Roque ang narco-pols list ay hindi isang “kill list” o listahan ng papatayin. Batay sa ulat, may 92 narco-politicians ang nasa listahan na hawak ni PDu30. Aba naman, kung ang narco list ay isang kill list, maraming kongresista, governor, vice governor, mayor, vice mayor at iba pa, ang nakatakda palang itumba.
Nakatutuwang malaman na tinutupad pala ni PRRD ang pangako niya noon na magdo-donate siya ng P1,000 sa Caritas Davao Foundation sa bawat pagmumura (cuss) niya. Sinusuri pa ngayon ng Caritas kung magkano na ang nai-donate niya sa charitable group tungkol sa P1,000 sa bawat mura o p...i; yawa (devil); buang (fool); at mga katulad na pagmumura.
Ayon kay Sister Rose Duhaylungsod, Caritas Davao head, laging nagbibigay (consistent) si PDu30 ng donasyon sa foundation na nasa ilalim ng Archdiocese of Davao. Magkaibigan sila ni Davao Archbishop Romulo Valles at nagkakasundo sila dahil pareho raw silang palabiro. Mabuhay ang Pangulong Duterte at si Arsobispo Valles!
-Bert de Guzman